Bumalik sa nakaraan ang BOOM Esports at binuhay ang isa sa pinakanakakaaliw na hero archetypes sa kasaysayan ng Dota 2–ang Monkey King support.

Sinorpresa ni Timothy John “Tims” Randrup ang mga manonood sa pamamagitan ng pagpili ng Monkey King support sa grand finals ng BTS Pro Series Season 8 SEA sa pagitan ng BOOM Esports at Team SMG kung saan sila ang nanalo sa iskor na 3-2.

Sa buong serye, tatlong beses kinuha ng BOOM ang Monkey King at nakakuha sila ng 100% win rate sa hero na ‘to. Pinili rin ito ng Team SMG sa dalawang game na naipanalo nila.


Swak ang Monkey King support ni Tims sa kanyang playstyle

Credit: EPICENTER

Kamakailan ay sumali si Tims sa BOOM Esports matapos ang limang taong paglalaro para sa TNC Predator. Siya ay isang highlight para sa kanyang koponan at kilala sa kanyang agresibong roaming style sa mga hero tulad nila Earth Spirit, Rubick at Earthshaker.

Si Monkey King ay madalas na pinipili bilang core hero mula noong siya ay nilabas. Nagkaroon siya ng maiksing karera bilang soft support noong pino-proc ng Wukong’s Command ang mga item. Dahil dito, hilig ng isang Monkey King support ang mga item tulad ng Skull Basher na tumutulong sa kanyang magamit ang Wukong’s Command bilang malaking AoE stun.

Agad itong na-update noong nilapat ang Dota 2 patch 7.06 na tumapos sa kanyang karera bilang support, hanggang sa nakaisip si Tims ng paraan at ipakita kung gaano kalakas ang hero sa role na ito.


Malaki ang ginawang buff kay Monkey King sa Dota 2 patch 7.30

Credit: Valve

Isa si Monkey King sa biggest winners ng Dota 2 patch 7.30 balance update. Narito ang mga buff na natanggap niya:

Tree Dance

  • Binawasan ang cast time mula 0.3 patungong 0.1.
  • Dinagdagan ang travel speed mula 700 patungong 800.

Jingu Mastery

  • Dinagdagan ang Jingu Mastery lifesteal mula 15%/30%/45%/60% patungong 25%/40%/55%/70%.

Reworked Aghanim’s Shard upgrade:

  • (Old) Binawasan ang cooldown ng Tree Dance mula 1 patungong 0.3 at cast time from mula 0.3 patungong 0.1.
  • (New) Binawasan ang cooldown ng Mischief patungo sa 8, dinagdagan ang immunity duration patungong 0.5, nakaka-disjoint kapag ginamit at hindi na binabawasan ang movement speed ni Monkey King kung mas mababa ito sa fixed values.

Kung tutuusin, nabigyan si Monkey King ng libreng Aghanim’s Shard upgrade. Nabawasan ang cast time ng Tree Dance pababa sa 0.1 segundo at gawa nito ay halos imposible nang mapigilan si Monkey King na gumamit nito. Nadagdagan din ang travel speed nito.

Ang mga buff sa Tree Dance ay isang napakabisang spell para sa pag-scout, paghabol, pagtakas at pagbigay ng vision sa team fights.

Pinakita ni Tims ang kahalagahan ng Tree Dance sa team fight na ‘to kung saan nagbigay siya ng vision sa kanyang mga kakampi para matalunan at puksain sila Damien “kpii” Chok sa kanyang Vengeful Spirit at Tue “ah fu” Soon Chuan sa kanyang Nxy Assassin.

Matapos nito, hinabol ni Tims ang Bloodseeker ni Roger “Roddgeee” Tan Boon Thye na minaliit ang vision na binibigay ng Monkey King.

Ang pangalawang spell na tinutukan ni Tims ay ang Boundless Strike. Ang ability na ‘to ay na-buff sa Dota 2 patch 7.29 kung saan meron na ‘tong mas maiksing cooldown at mas mahabang stun duration sa mabababang level.

Binibigyan ng Boundless Strike si Monkey King ng halos instant na long range stun na kayang makatama ng maraming kalaban. Mahusay na ginamit ito ni Tims para mahuli ang Phantom Lancer ni Yeik “MidOne” Nai Zheng sa Game 5.


BOOM Esports binigyan ang Monkey King support ni Tims ng malaking space para mag-farm

Madalas na nilalaro si Monkey King bilang carry kaya naman alam ng mga player kung paano sulitin ang damage niya sa late game gamit ang Jingu Mastery.

Bagamat nilaro ni Tims si Monkey King bilang support, inatake niya ito nang may core-like mentality. Sinigurado niyang mataas ang kanyang net worth at kumuha ng mga damage item tulad ng Echo Sabre at Skull Basher imbes na standard support items tulad ng Force Staff at Glimmer Cape.

Credit: ONE Esports

Nagresulta ito sa pagkakaroon ng BOOM Esports ng four-core lineup sa late game. Gayunpaman, isa pa rin itong gahaman na pick na naapektuhan ang offlaner na si Saieful “Fbz” Ilham. Kaya naman ang ganitong uri ng draft ay nangailangan mula sa BOOM ng matinding team synergy at tiwala na magpapakitang-gilas si Tims, na nagawa naman niya.

Kinoronahang kampeon ang BOOM sa BTS Pro Series Season 8 SEA at napanalunan ang US$24,000 matapos ang makapigil-hiningang 3-2 victory kontra sa Team SMG. Isang malupit na debut ‘to para sa bagong koponan!


Salin ito mula sa orihinal na akda ni Ahmad “Otomo” Alazawi ng ONE Esports.