Tinanggap ng Valve ang apela ng Smart Omega ukol sa pagkaka-ban nila sa Valve-sponsored Dota 2 events matapos madawit ang organisasyon sa matchfixing.
Sa isang opisyal na pahayag na inilathala sa kanilang social media, ipinabatid ng organisasyon ang resulta ng kanilang imbestigasyon. Tinapos nila ang kontrata ng dating coach na si Christ “CTY” Maldo, maging ang mga manlalarong sina Prince “Prince” Daculan at Ryniel “Zenki” Calvez.
Ang mga pinangalanang indibidwal mula sa hanay ng Smart Omega ay napatunayan na nag-matchfix, ayon sa naunang anunsyo ng organizer ng Dota Pro Circuit para sa Southeast Asia na Beyond The Summit.
Tinanggalan ng Division I slot ang organisasyon dahil dito kaya’t hindi sila nakasabak sa unang Tour ng bagong DPC season. Ang naturang desisyon na ‘to ang binawi ng Valve, ayon sa bagong anunsyo ng Smart Omega.

“Furthermore, Valve representatives have accepted our appeal to lift the ban on our organization, and has allowed us to join the Dota Pro Circuit Spring Season and other Valve-sponsored events,” sulat ng organisasyon.
Idiniin din ng organisasyon na patuloy ang kanilang pagtaguyod sa malinis na kompetisyon. Nangako rin sila na palalakasin nila ang kanilang sistema para hindi na maulit ang naturang insidente.
Sa ngayon, ‘di pa tukoy kung sino-sino ang papalit sa mga na-ban na manlalaro para sa Smart Omega.
BASAHIN: SEA Games gold medalist coach KTM, bagong team director ng Fnatic Dota