Gaya ng inaasahan, binuksan ng T1 ang kanilang kampanya sa DPC SEA Tour 1 Division 1 sa pamamagitan ng madaling 2-0 sweep laban sa TNC Predator.
Minama ng The International 10 top eight finisher ang bagong buong Dota 2 roster ng Filipino esports organization at mabilis na tinapos ang opening series ng Division 1 ng rehiyon.
Bumida ang Queen of Pain ni Pinoy midlaner Karl “Karl” Baldovino sa unang game na tumagal lang ng 34 minuto bago pangunahan ni Thai carry Nuengnara “23savage” Teeramahanon sa kanyang Morphling ang atake ng SEA kings sa 39 minutong panapos na laro.
23savage sinabing Fnatic at BOOM Esports ang kanilang mahigpit na kalaban

Inilahad ni 23savage sa post-match interview na target ng T1 na makuha ang top placing sa Division 1 para agad na mapasok sa Playoffs ng unang Dota 2 Major ng DPC 2021-2022 season.
Pero ayon sa 19-year-old pro, hindi ito magiging madali lalo na laban sa Fnatic at BOOM Esports na nakikita niya bilang pinakamabigat nilang kalaban sa pagdepensa ng kanilang trono sa Southeast Asia.
Kamakailan lang ay nagkaroon ng malaking roster change ang TI10 top 12 placer na Fnatic nang idagdag nito ang Pinoy star midlaner na si Armel “Armel” Tabios at rising hard support Jaunuel “Jaunuel” Arcilla.
Binalik din ng koponan si Djardel “Dj” Mampusti sa position-4 support role at nilagay si Anucha “Jabz” Jirawong sa offlane habang nanatili si Polo “Raven” Fausto bilang carry.
Sa kabilang banda, apat na rin ang Pinoy pro sa panig ng Indonesian org na BOOM Esports kabilang si position-4 star Timothy “Tims” Randrup.
Nagbabaga ang BOOM papasok ng DPC matapos nitong makuha ang ikatlong sunod na kampeonato nang talunin ang Motivate.Trust Gaming sa Mineski Masters.
Sa huling parte pa ng Tour 1 makakalaban ng T1 ang Fnatic at BOOM Esports kung saan parehong naglaro si 23savage bilang regular carry (Fnatic) at stand-in (BOOM).
Sa ikalawa at ikatlong araw ng SEA Division 1 Week 1 nakatakdang maglaro ang Fnatic at BOOM Esports. Makakasagupa ng Fnatic ang Team SMG sa ika-4 ng Disyembre habang kalaban naman ng BOOM ang OB Esports x Neon sa ika-2 ng buwan.
Sinabi rin ni 23savage na goal nila para sa buong DPC season ang makabalik sa TI at magpamalas ng mas magandang performance.
Magpapahinga ang T1 nang ilang araw bago sumabak ulit sa bakbakan kontra naman sa Team SMG na kamakailan ay kinumpleto ang kanilang lineup sa pamamagitan ng pagkuha sa beteranong Pinoy pro na si Ryan Jay “Raging Potato” Qui (kilala rin bilang Bimbo).
Nakatakda ang kanilang best-of-3 match sa ika-9 ng Disyembre, ala-siyete ng gabi. Mapapanood ito at ang iba pang laban sa DPC SEA Tour 1 Division 1 sa opisyal na Twitch channel ng Beyond The Summit. Ang Filipino broadcast naman ay hinahatid ng LuponWXC sa Facebook at YouTube channel nito.