Nasasabik si Fnatic star midlaner Armel “Armel” Tabios na makaharap at patikimin ng talo ang T1 sa DPC SEA Tour 1 Division 1.

Ito ang inilahad ng respetadong Pinoy pro matapos maselyo ng Fnatic ang kanilang unang panalo sa Dota 2 Pro Circuit 2021-2022 sa pamamagitan ng 2-0 sweep kontra sa dati niyang koponan na TNC Pro Team.


Bakit T1 ang koponan na nais makalaban ni Armel sa DPC SEA?

Credit: TNC Predator

Ipinaliwanag ni Armel sa post-match interview kung bakit T1 ang nais niyang makaharap sa DPC SEA Tour 1 Division 1.

“Maybe T1 because they were really good at TI (The International 10),” wika ni Armel. (T1 ang gusto kong makaharap dahil sobrang galing nila noong TI.)

Dagdag pa ng 21-year-old midlaner: “Not really (because) of the mid matchup in particular but I just kinda wanna beat them because they look like the strongest team in SEA.” (Hindi talaga dahil sa mid matchup pero gusto ko silang talunin dahil mukhang sila ang pinakamalakas sa SEA ngayon.)

Tunay ngang maganda ang pinakita ng T1 sa nakalipas na TI10 kung saan nakuha nila ang top eight finish. At dahil napagdesisyunan nila kapitan Carlo “Kuku” Palad at kanyang mga kasamahan sa T1 na manatiling buo para sa DPC ngayon taon, sila pa rin ang itinuturing na pinakamalakas na grupo sa rehiyon.

Kaya naman ‘di kataka-taka na sila ang pinupuntirya ng karamihan sa Division 1, kabilang na dito si Armel at ang Fnatic.

Kaabang-abang ang bakbakang Fnatic at T1 lalo pa’t sinabi ni T1 carry Nuengnara “23savage” Teeramahanon na isa ang Fnatic sa pinakamabigat nilang kalaban sa DPC SEA. Sa dulo pa ng liga nakatakdang magharap ang dalawang koponan na ito.


Armel tiwalang nag-i-improve na ang bagong roster ng Fnatic

Credit: Fnatic

Isang magandang bounce back victory ang naitala ng Fnatic matapos ang kanilang 0-2 loss sa Team SMG noong unang linggo ng DPC SEA Tour 1 Division 1.

Ayon kay Armel, natuto sila mula sa pagkatalo na ‘yon at patuloy na nag-i-improve ang kanilang bagong buong lineup.

“We keep getting better and we’re just working on our problems.”

Pinakita ito ng Fnatic sa pamamagitan ng malinis na panalo laban sa TNC Predator sa Game 1 sa pangunguna ng Wraith King ni Pinoy carry Polo “Raven” Fausto na tumikada ng eight kills at nine assists kontra sa isang death.

Mas swabe ang pinamalas na galawan ng Fnatic sa Game 2 kung saan bumida ulit ang Wraith King ni Raven (7-1-10) kasama ang Kunkka ni Armel (8-0-6). Maganda rin ang nilaro ni captain-offlaner Anucha “Jabz” Jirawong sa kanyang Magnus (2-1-9) para maisara ng kanyang koponan ang laban na may 22-8 kill score sa loob ng 32 minuto.

Umangat ang Fnatic sa 1-1 (2-2 game win-loss record) habang ang TNC, na binuo rin para sa panibagong DPC season, ay bumagsak sa 0-3 (0-6).


Panoorin ang DPC SEA Tour 1 sa Twitch channel ng organizer na Beyond The Summit. Masusubaybayan naman ang opisyal na Filipino broadcast hatid ng LuponWXC sa kanilang Facebook at YouTube channel.

Para sa mga istorya tungkol sa DPC SEA at Dota 2, i-like ang Facebook page ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Mushi malaki ang epekto bilang coach ng BOOM Esports, sabi ni Skem