Magsasagupaan sa kauna-unahang pagkakataon ang Team Secret at OG sa engrandeng entablado ng The International.

Bukod sa tadhana, naging instrumento ang pagpili ng Group B top seed na PSG.LGD sa T1 bilang kalaban sa unang round ng T10 Main Event para magharap na sa wakas ang dalawang tanyag na koponan.

Dalawang beses lang nagkrus ang landas ng dalawang koponang ito ngayong taon, pero ang dahilan kung bakit inaabangan ang bakbakang ito ay hindi dahil sa labang naganap sa loob ng laro, kung hindi dahil sa isang sagutan na nangyari sa social media.

Ang mga nakaraang laban ng Team Secret at OG

Matatandaang hindi naging maganda ang performance ng defending TI champions noong nakalipas na edisyon ng Dota Pro Circuit. Dahil dito, naging tampulan ng memes ng Team Secret ang OG.

Dalawang araw bago ganapin ang tiebreaker sa pagitan ng OG, Brame, at Tundra Esports, sinalubong ang komunidad ng isang alitan sa pagitan ni  Sébastien “Ceb” Debs at Dota 2 community figure na si midormeepo, na humahawak sa Twitter account ng Team Secret.

Bagamat tila naka-move on na ang parehong panig tungkol sa naging isyu, tiyak na kaabang-abang pa rin ang patutuos ng Team Secret at OG sa unang araw ng TI10 Main Event.

EVENTRESULTA
DreamLeague Season 14 DPC Western Europe Upper DivisionTeam Secret 2 – 1 OG
DreamLeague Season 15 DPC Western Europe Upper DivisionTeam Secret 0 – 2 OG

DreamLeague Season 14 DPC Western Europe Upper Division

Madugong nagtapos ang unang pagtatagpo ng dalawang koponan ngayong taon. Naganap ito sa unang season ng DPC Western Europe Upper Division.

Nagsanib-puwersa ang Ember Spirit ni Michał “Nisha” Jankowski at Ursa ni Lasse Aukusti “MATUMBAMAN” Urpalainen para itala ang 50 sa 73 kabuuang kills ng kanilang koponan.

Bagamat hindi naman agad sumuko ang OG, na noo’y naglalaro pa kasama si Yeik “MidOne” Nai Zheng, ang koponan pa rin ni Clement “Puppey” Ivanov ang nagtagumpay.

DreamLeague Season 15 DPC Western Europe Upper Division

Mahigit limang buwan na rin ang lumipas nang huling magkaharap ang Team Secret at OG. Naganap ito noong ikalawang season ng DPC 2021, kung saan nakabanse sina Johan “N0tail” Sundstein mula sa nauna nilang pagkatalo.

Credit: OG

Sa pagkakataong ito, si Anathan “ana” Pham na ang nagsisilbing carry player ng koponan. Binuhat ng kanyang Phantom Lancer ang OG matapos magtala ng 10 kills at 14 assists kontra tatlong deaths.

Napwersa ng OG ang gg call kontra Team Secret matapos pasukin ni ana ang kanilang fountain.

Ang TI10 Group Stage performance ng Team Secret at OG

Ang TI10 Group Stage performance ng Team Secret at OG
Credit: Team Secret at OG

Parehong nagtala ng 62.50% match win rate (10 wins at anim na losses) ang dalawang koponan sa kanilang kampanya noong TI10 Group Stage.

Kung stats naman ang paguusapan, mas lamang naman ang Team Secret. Nagtala sina Puppey ng team average na 27 kills, 23.94 deaths, at 64.62 assists matapos ang apat na araw ng kompetisyon. Sa kabilang banda, 25.12 kills, 28.12 deaths, at 55.62 assists naman ang para sa OG.

Pero ang mga numerong ito ay tila nakabase sa isang malaking aspeto—ang average game time ng bawat koponan. Mas mabilis kasi natatapos ng OG ang kanilang mga laban na 33:46 ‘pag panalo, at 43:01 naman pag natatalo. Samantala, 42:20 naman ang average game time ng Team Secret ‘pag nananalo, habang 40:45 naman ‘pag natatalo.

Bahagya namang mas malawak ang hero pool ng Team Secret dahil naglabas ito ng 44 unique heroes noong Group Stages, kumpara sa 42 ng OG.

Sa kabuuan, inaasahang dikit ang magiging bakbakan sa pagitan ng Team Secret at OG.


Sino kaya ang magwawagi sa harapan ng Team Secret at OG? Alamin ‘yan sa opisyal na Filipino broadcast ng The International 10 hatid ng LuponWXC sa kanilang Twitch, YouTube at Facebook platforms.

Subaybayan ang mga kaganapan sa TI10 sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.

Gutom ka pa ba sa Dota 2 action? Panoorin ang Heroes of the Game documentary hatid ng foodpanda.

BASAHIN: Dota 2 The International: Lahat ng TI winners sa mga nakalipas na taon