Isa ang PSG.LGD sa mga koponang paboritong manalo sa The International 10 at nagsilbing patunay ang kanilang pangingibabaw sa group stage at main event kung bakit.

Kung sakaling magtuloy-tuloy ang kanilang tagumpay, ang PSG.LGD ang magiging ika-apat na Chinese team na mag-aangat ng Aegis of Champions.

Ang nagbabadya nilang pagkuha sa kampeonato ang magiging ikalawang panalo nina Zhang “y`” Yiping and Zhang “Faith_bian” Ruida sa Dota 2 world championship. Dalawa kasi sila sa mga manlalarong nagwagi noong 2016 sa ilalim ng Wings Gaming.

Wings Gaming sa TI6
Credit: Valve

Sa oras ng paglathala, dalawang beses pa lang natatalo sa mapa ang PSG.LGD: una noong group stage kontra Team Secret at pangalawa kontra T1 noong unang round ng upper bracket.

Sa likod ng mga magagandang resulta, bakit nga ba tila unbeatable ang PSG.LGD sa TI10?


Magaling mag-adjust sa kalaban ang PSG.LGD

‘Di gaya ng OG at Team Secret na pinipilit ang kalabang mag-adapt sa playstyle nla, angat sa iba ang PSG.LGD sa TI10 dahil sila mismo ang nag-a-adjust sa playstyle ng iba.

Mahusay sa lane ang tatlo nilang core player at bibihirang matalo sa kanilang matchup. Pero bukod sa taglay na mechanical skills at flexibility ng kanilang mga miyembro, ang susunod na punto rin ang dahilan kung bakit mas madali para sa PSG.LGD ang mag-adjust sa kalaban.


Ang malawak sa hero pool ng PSG.LGD sa TI10

Tinatawag na Wings Gaming 2.0 ang PSG.LGD hindi lang dahil dalawa sa mga miyembro nito ay dating players ng tanyag na Chinese team, kung hindi dahil din sa malawak nilang hero pool.

Ang malawak na hero pool ng PSG.LGD sa TI10
Screenshot ni Danelie Purdue/ONE Esports

Sa 23 laro ng PSG.LGD sa TI10, nakagamit sila ng 53 unique heroes. Sila ang ikalawang koponan na may pinakamaraming unique heroes, sumunod sa Team Spirit na may 55.

Sa likod ng kakayahan ng kanilang mga manlalaro na gumamit ng iba’t-ibang hero, dapat ding bigyan ng papuri ang coach nilang si Zhang “xiao8” Ning. Sa mga post-game interview, madalas ituro ng mga manlalaro kay “Emperor-8” ang kanilang tagumpay dahil sa husay nito sa orkestra ng draft.


Puno ng talentadong playmakers ang roster nila

Bukod sa super carry ng koponan na si ame, hindi popular ang opinyon na nasa PSG.LGD ang lahat ng pinakamalalakas na player sa bawat role.

Sa kabila nito, madaling sabihin na PSG.LGD ang pinakamalakas na koponan sa TI10. Ito ay dahil bilang isang unit gumagalaw ang naturang koponan at ine-enable ng mga manlalaro ang kakayahan ng bawat isa.

May dahilan kung bakit dalawang koponan pa lang ang nakaksilat ng mapa sa kanila at hindi ito basta tsamba lang.

PSG.LGD sa TI10: Faith_bian, NothingToSay, xiao8
Credit: Valve

Disiplinado ang PSG.LGD, kahit pa natatalo sila

May ilang pagkakataon sa kahabaan ng kampanya ng PSG.LGD sa TI10 kung saan natatalo sila pero nababaliktad nila ito. Hindi ito madaling gawin lalo na kung naglalaro ka sa pinakamalaking Dota 2 tournament ng taon.

Malupit na halimbawa na dito ang pagdepensa nila sa highground kontra Team Secret noong upper bracket finals. Isang pagkakamali lang nina Clement “Puppey” Ivanov kung saan nahuli sila sa Boundless Strike ni ame at Earth Splitter ni Zhao “XinQ” Zhixing ay muling napunta sa PSG.LGD ang kontrol ng laro, at kalauna’y pati ang panalo.

Ibang klaseng disiplina at determinasyon, bukod pa sa aktwal na mechanical skill, ang kailangan para magawa ito sa high pressure environment gaya ng TI10.


Nag-aabang na lang ngayon sa ang PSG.LGD sa TI10 grand final. Haharapin nila sa best-of-five series ang mananalo sa pagitan ng Team Secret at Spirit na maglalaban sa lower bracket final.

TI10 Main Event Day 6 Playoff Bracket
Credit: ONE Esports

Nakatakdang idaos ang huling araw ng TI10 sa ika-17 ng Oktubre, sa ganap na ikatlo ng hapon. Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng The International 10, hatid ng LuponWXC, sa kanilang TwitchYouTube at Facebook channels.

Masusubaybayan din ang mga pangyayari sa TI10 sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.

Gutom ka pa ba sa Dota 2 action? Panoorin ang Heroes of the Game documentary presented by foodpanda.

BASAHIN: PSG.LGD sinelyo ang unang TI10 Grand Finals spot matapos walisin ang Team Secret