Out na sa Dota 2 roster ng Talon Esports sina Kim “Gabbi” Villafuerte at Tal “Fly” Aizik.
Inanunsyo ng koponan sa social media ang pag-alis nina Gabbi at Fly sa kanilang hanay halos dalawang linggo ang makalipas simula noong laruin nila ang huling serye sa Division II ng tumatakbong Dota Pro Circuit 2021-2022 Tour 1.
Ang mga pagsubok na dala ng COVID-19 daw ang nagtulak sa Talon Esports at mga manlalaro para magkasundo sa naturang desisyon.

“Given how COVID-19 has already affected the competitive scene, we believe both players and management should share the same mindset and values to navigate through the remainder of this year. The ever-changing circumstances hasn’t allowed all parties to align optimally, thus Fly and Gabbi have safely returned home and will be allowed to seek new teams effective immediately,” sulat ng koponan sa kanilang pahayag.
(Dahil sa naging epekto ng COVID-19 sa competitive scene, naniniwala kami na dapat magkaisa ang mindset at values ng player at management para maitawid ang taon. Hindi hinayaan ng patuloy na pagbabago ng mga bagay-bagay na makapag-align ang koponan. Dahil dito, ligtas na umuwi sina Gabbi at Fly sa kani-kanilang tahanan at papayagan na rin na maghanap ng bagong koponan sa lalong madaling panahon.)
Pinasalamatan din ng organisasyon sina Gabbi at Fly sa kanilang sakripisyo at dedikasyon. Samantala, kinumpirma rin ng Talon Esports na sasabak pa rin sila sa susunod na Tour ng DPC SEA.
Ang kampanya ng Talon Esports sa Division II ng DPC SEA 2021-2022 Tour 1

Hindi naging kasing matagumpay gaya ng inaasahan ang naging kampanya ng Talon Esports sa unang Tour ng DPC SEA 2021-2022.
Matatandaang pumasok ang Hong Kong-based organization sa Dota 2 sa pangunguna ng mga beteranong manlalaro. Naka-qualify sila sa Division II mula sa ikalawang open qualifier matapos mabigong lampasanang Ragdoll sa unang pagsubok.
Pagpasok sa mismong Tour, sinalubong sila ng Polaris Esports at Nigma Galaxy SEA bago makuha kontra Army Geniuses ang una nilang panalo. Hindi rin sila pinalad kontra Lilgun at Ragdoll, bagamat nakatulong ang mga panalo nila kontra 496 at InterActive Philippines para mapanatili ang kanilang slot sa Division II para sa ikalawang Tour ng DPC SEA 2021-2022.
Sa kabuuan, tinapos ng Talon Esports, sa tulong nina Gabbi at Fly, ang kanilang kampanya sa Tour 1 sa ikalimang puwesto nang may win-loss record na 3-4.
Ang mga natitirang miyembro sa Dota 2 roster ng Talon Esports
- Rafli Fathur “Mikoto” Rahman
- Damien “kpii” Chok
- Brizio Adi “Hyde” Putra Budiana
Samantala, iaanunsyo pa ng Talon Esports ang mga manlalarong papalit sa puwang na iniwan nina Gabbi at Fly. Wala pa ring anunsyo ang dalawang umalis na manlalaro kung saang koponan sila lilipat.
BASAHIN: Kuku inilahad ang kontribusyon ni QO bilang analyst ng T1