Pinagharian ng bagong buong star-studded roster ng Talon Esports ang ikalawang open qualifier para makatalon patungo sa Dota Pro Circuit (DPC) 2021-2022 Tour 1 Southeast Asia Division 2.

Matapos mabigo laban sa Ragdoll sa unang OQ, nag-regroup Talon at nagpamalas ng mas malinis na chemistry upang makapagtala ng perpektong kampanya sa kanilang pangawalang subok.

Kamangha-manghang isipin na gumamit lamang ang beteranong captain-hard support at dating Evil Geniuses player na si Tal “Fly” Aizik ng Bane sa swabeng tournament run ng Talon sa two-day DPC SEA OQ #2.

Tweet ni Fly tungkol sa paggamit ng Bane
Credit: Fly’s Twitter account

Ginamit ni Fly si Atropos sa lahat ng pitong laro ng Talon mula sa round of 32 hanggang sa best-of-three finals kung saan winalis nila ang Mongolian squad na KOBOLDS.

Tumikada ang 28-year-old Israeli-Canadian pro ng kapuri-puring stats na 13.7 assists at 2.14 kills kontra sa 4.43 deaths sa paggamit ng nakakaurat na support hero. Tinulungan niya rin si Pinoy carry Kim “Gabbi” Villafuerte na lumakas sa lane at tuluyang buhatin ang kanilang koponan pagdating ng mid hanggang late game.


Fly at Talon Esports pasok sa DPC SEA Division 2

Credit: Gabbi

Sinimulan nila kapitan Fly at Talon Esports ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng 45-minute victory laban sa M Y sa round of 32. Sunod nilang pinadapa ang KOD Vulture at TWN-Esport na pinangungunahan ni Lee “kYxY” Kong Yang.

Mabilis na winalis ng Talon ang InterActive Philippines ni Kimuel “Kim0” Rodis, 2-0, sa semifinals bago talunin ang KOBOLDS para iselyo ang kanilang spot sa DPC SEA Tour 1 Division 2 na gaganapin mula ika-29 ng Nobyembre hanggang ika-22 ng Enero, 2022.

Makakalaban ng Talon ang Lilgun, Polaris Esports, Nigma Galaxy SEA, 496 Gaming, Army Geniuses, Ragdoll at isa pang koponan na magmumula sa isang closed qualifier na itinakda dahil sa pagkaka-ban ng Smart Omega.

Nakataya sa Division 2 ang dalawang tiket papuntang Division 1 kung saan pinagtatalunan ang mga slot ng SEA sa Major tournaments. Mayroon ding nakalaan na US$75,00 (nasa PHP3.7 milyon) prize pool sa naturang liga.