Sa star match noong Week 3 ng MPL Phillipines Season 9, isinalang ni ECHO Coach Michael “Arcadia” Bocado ang isang malupit na komposisyon na nagpagulong ng kanilang Game 1 pagsagasa kontra RSG Philippines . Tampok sa nasabing draft ang Aulus Diggie combo na hindi lamang kumitil sa early game abante ng RSG, sinindihan din nito ang momentum para sa ECHO papunta sa mabilis na 2-0 sweep.

Kinapanayam ng ONE Esports Philippines si Coach Arcadia para linawin kung ano ang ideya sa likod ng strat na nagpanganga sa mga miron, gayundin kung paano ito napagana ng kaniyang koponan.


Ideya sa likod ng Aulus Diggie combo

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Sa Game 1 ng inantabayanang matchup noong Week 3, isinalang ng RSG PH ang kanilang Esmeralda, Yve, Wanwan at Khufra bago kuhanin ang Balmond. Bilang tugon sa control-heavy at high-damage output composition ng kalaban, magkasunod na pinili ni Coach Arcadia ang Diggie at Aulus sa last phase ng draft.

Nasabik ang mga fans na makita muli ang Diggie na malimit maisalang sa competitive play sa MPL. Ngunit matapos ang buffs na ibinigay sa support hero sa MLBB patch 1.6.58, may punto ang approach ng ECHO coach, lalo pa’t isa siya sa mga nagsulong ng popular na Feeding Diggie Strat ng Aura PH noon.

Sa pagselyo naman niya sa Aulus pick, maliwanag na balak sumandal ng ECHO sa late game.

Sa tanong kung planado ba ang pagsalang ng Aulus Diggie combo sa Game 1, banggit ng ulo ng numerong unong team ngayon, “Not really. They were just perfect to use at that moment against to the opponent’s lineup. One thing to note is that our players have a really deep hero pool that’s why we can make the most out of the heroes in-game.”

“We just really like to pick Diggie in general. Remember the Feeding Diggie strat? (Aura PH era) Just kidding. The logic behind this combination is simple: We want a hero that can protect our Aulus during clashes and Diggie fits that role perfectly,” dagdag ng henyong coach.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Ipinaliwanag din ni Coach Arcadia ang kinailangan gawin ng team para maging epektibo ang strat in-game. Aniya, “In every Aulus game, the winning condition is always to scale since Aulus is unstoppable during the game’s late phase.”

“However, he is really squishy in the early game, so you have to be smart in picking fights and making sure that the Diggie is always around to protect you,” dagdag pa ng ECHO Coach.


Performance ng Aulus Diggie combo sa Game 1 laban sa RSG PH

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Hindi binigo nina Tristan “Yawi” Cabrera hawak ang Diggie at Karl “KarlTzy” Nepomuceno ang tiwala ng kanilang coach. Bagamat patuloy na naghabol ang composition tampok ang Aulus Diggie combo ng ECHO, hindi napigilan ng RSG PH ang bangungot na dala nito sa team fights sa mid to late game.

Sineguro muna ng Diggie ni Yawi na makaka-farm ng mapayapa ang Aulus ni KarlTzy sa unang bahagi ng laro. Ngunit pagkatapos makuha ang Windtalker, War Axe at Endless Battle ay sinindihan na ni KarlTzy ang makinarya ng tinaguriang “Super Team” ng MPL.

Lapnos sa mga team fights ang RSG PH sa Aulus Diggie combo dahil kahit pa subukan nilang kontrolin ang jungler fighter ay nalulusutan ito gamit ang Times Journey ultimate ni Yawi. Mapapansin ang synergy ng draft sa Lord objectives, partikular na sa ika-9:30 at ika-12:42 minuto ng laro kung saan kinontra ng Diggie ang Real World Manipulation initiation ng Yve.

Gamit ang Aulus Diggie combo, nagtala ng magkasunod na 4/0/7 at 1/3/7 KDAs sina KarlTzy at Yawi para nakawin ang Game 1 at kaluanan ay ang serye para manatiling solo first sa rankings matapos ang Week 3.

Para sa MLBB guides, balita at marami pang iba, sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Double roamer meta guide sa Mobile Legends