Natikman na muli ng Geek Fam ID ang tamis ng tagumpay, ang tagumpay na huli pa nilang nakamit noong huling linggo ng MPL Indonesia Season 8. Ito ay matapos nilang tambangan ang Rebellion Zion, 2-0, para ilista din ang kanilang unang panalo sa Season 10.
Malaki ang ginampanan ng gabay at shotcall ng kapitan na si Allen “Baloyskie” Baloy na hindi pinaporma ang Rebellion sa bawat bahagi ng naturang serye.

Karugtong nito, mistulang nakahinga na ng maluwag ang panig ng GF dahil bago ang wagi ay nagapi muna sila ng RRQ Hoshi, Alter Ego at EVOS Legends sa magkakahiwalay na pagkakataon.
Kaya naman inamin ni Baloyskie malaking bagay ito para sa kaniya at sa kaniyang team lalo pa’t matindi rin daw ang kahaharapin nilang team sa susunod na linggo.
“I think this win is very important because we really need it at this time. We still need to increase our confidence for the next match and this is a good momentum to face an even tougher opponent next week,” banngit ni Baloyskie sa panayam kasama ang ONE Esports.
Baloyskie, Geek Fam ID kahaharapin si Kairi at ONIC Esports sa Week 3

Inaasahan na magiging mainit ang match na itatampok sa week 3 ng gumugulong na season dahil kakaharapin ng Geek Fam ID ang bigating ONIC Esports.
Bukod sa laki ng pangalan ng team na lalabanan ay magsisilbi rin itong maliit na reunion ng dating ONIC Philippines members na huling umalagwa noong MPL Philippines Season 9.
Magkakaroon ng tiyansa na makasalamuha muli ni Baloyskie ang kaniyang dating coach na si Denver “Coach Yeb” Miranda katuwang ng kaniyang jungler at kapwa superstar na si Kairi “Kairi” Rayosdelsol na ngayon ay nasa panig na ng ONIC.

Pinapalagay ng marami na mas mainit ngayon ang ex-ONIC PH captain dahil bago gumulong ang matchup na ito ay nauna na niyang nakalaban ang isa rin niyang dating teammate na si Gerald “Dlar” Trinchera na nag-debut para sa EVOS Legends sa mismong matchup nila ng Geek Fam.
Magagawa kaya ni Baloy na ipagpatuloy ang momentum na nakuha sa panalo kontra Rebellion?
I-check out ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuli tungkol sa MPL ID.
BASAHIN: Geek Fam ID mahihirapan pa rin sa MPL ID S10 ayon sa prediksyon nina Pak Pulung at Ko Lius