Nagwakas ang paghihintay ng Onic Philippines na makabalik sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Grand Finals nang walisin nila ang Smart Omega, 3-0, sa Season 8 upper bracket finals.

Nakabalik ang Onic PH sa championship series ng sikat na liga ng Moonton sa bansa matapos ang kanilang back-to-back runner-up finish noong Season 4 at 5.


Hindi pa tapos ang misyon ni Baloyskie sa Onic PH

Baloyskie ng Onic PH noong Season 4
Credit: Baloyskie

Pero para sa beteranong support na si Allen “Baloyskie” Baloy, ang sarili niyang misyon sa kanyang pagbabalik sa Onic PH ngayong season ay hindi natatapos sa pagpasok sa Grand Finals.

“Siyempre sa’kin sobrang saya (makabalik sa finals). Normal ‘yun. Pero ‘di pa kasi ako tapos sa gusto kong makuha e. So ngayon, chill chill lang muna, celebrate lang ng konti tapos focus na ulit kinabukasan,” ani ni Baloyskie sa MPL PH post-match interview.

Parte si Baloyskie (na noo’y Greed ang in-game name) ng super rookie squad na Onic noong Season 4 na umarangkada patungong finals bago talunin ng Sunsparks (na naging Aura PH/Echo Philippines). Lumipat siya sa Sunsparks sa sumunod na season at nag-kampeon kontra sa mga dati niyang kakampi sa Onic.

Nagtagal pa si Baloyskie sa Aura hanggang Season 7 bago nagpasyang bumalik sa Onic kung saan nais niyang wakasan ang kanyang tila “unfinished business” na mabigyan ng kampeonato ang koponan na nagdala sa kanya sa MPL PH.


Masaya si Baloyskie kahit sino pa sa Omega o Blacklist ang kanilang makatapat

Naghihintay na ang Onic PH sa best-of-seven Grand Finals kung saan makakaharap nila ang mananalo sa bakbakan ng defending champion Blacklist International at Smart Omega sa lower bracket finals bukas alas dos ng hapon.

Pinanatiling buhay ng Blacklist ang kanilang title-retention bid matapos paluhurin ang Nexplay EVOS, 3-0, sa pagbabalik ng kanilang gold laner na si Kiel “OHEB” Soriano.

Nang tanungin kung sino ang gusto niyang makalaban ng Onic sa finals, sinabi ni Baloyskie na kahit sino sa kanila ay gusto niyang makatapat dahil na rin sa former teammates niya sa parehong koponan.

“Parehas talaga kasi former teammates ko ‘yung dalawa sa Omega. Tapos sa Blacklist naman si V33nus ‘tska si Wise so kung sinuman makapasok sa kanila masaya ako kasi finally makakabalik kami sa Worlds (World Championship) parehas. It’s either si Renz and Kiel or si V33nus ‘tska si Wise.” (Paalala: Hindi pa kumpirmado kung pasok sa M3 World Championship ang grand finalists ng MPL PH Season 8. Abangan ang anunsyo ng Moonton.)

Nakatakdang maganap ang MPL Philippines Season 8 Grand Finals bukas alas sais ng gabi. Mapapanood ang maiinit na laban sa Facebook at YouTube channel ng liga. Maaari niyo ring sundan ang mga kaganapan sa MPL PH Season 8 sa pamamagitan ng Facebook page ng ONE Esports Philippines.