Nakoronahan na ang mga reyna ng Mobile Legends: Bang Bang!

Dumagdag pa ang kampeonato sa kauna-unahang MLBB Women’s Invitational ng ONE Esports sa mahabang listahan ng mga napagtagumpayan ng Bigetron Era.

Ito ay matapos nilang pangibabawan ang nasabing all-female tournament. Winalis ng koponang dating kilala bilang Belletron Era ang group stage at playoffs, bago tuluyang talunin ang karibal at kapwa Indonesian team na GPX Basreng sa grand final, sa iskor na 3-1.


Bigetron Era kampeon sa MWI 2022 ng ONE Esports

Bigetron Era kinoronahan bilang kampeon ng MWI 2022
Credit: ONE Esports

Pumasok ang Bigetron Era sa MWI 2022 nang may 12-tournament win streak sa Indonesia. Sa loob ng apat na araw, nagawang patunayan ng koponan na hindi lang pang national, kung hindi pang regional ang kanilang husay pag dating sa MLBB.

Hindi lang kasi basta nananalo ang Bigetron Era sa kanilang mga laban dahil dinodomina nila ito. Winalis nila ang buong group stage kontra Lugiami ng Singapore, On Air Pipol ng Malaysia, at BREN Victress ng Pilipinas para maka-abante sa playoffs.

Dito, hindi rin pumayag ang koponan na mabahiran ang kanilang win-loss record. In-eliminate nila ang pinagsamang-puwersa ng Thailand at Laos sa IDNS Princess, bago patalsikin ang natitirang pambato ng Malaysia na Karra, para maselyo ang all-Indonesian grand final laban sa GPX Basreng.

Sila rin ang may gawa sa ilan sa pinakamabibilis na laban sa buong palaro, kabilang na ang siyam na minutong tagumpay kontra Karra noong unang mapa ng semifinals.

Bigetron Era kinoronahan bilang kampeon ng MWI 2022
Credit: ONE Esports/Screenshot ni Maouie Reyes

Tanging ang GPX Basreng lang ang nakapagpadugo sa Bigetron Era. Hindi nila agad nasagot ang baong jungle Uranus ng kalaban bago humantong sa ika-apat na laban.

Sinubukan ng kanilang karibal na muling paganahin ang nasabing pick para ma-extend sa ikalima at huling mapa ang serye, pero hindi na kinaya ng GPX Basreng ang damage na nagmula sa Bruno ni Michelle Denise “Chelll” Siswanto at Lancelot ni Vorelle Valencia “Vival” Chen, na kinilala rin bilang ang MVP ng turneo.


Bukod sa ika-13-sunod nilang kampeonato mula sa MWI 2022, mag-uuwi rin ang Bigetron Era ng US$6,400 (₱327,000+), ang pinakamalaking bahagi ng $15,000 (₱766,000+) na prize pool.

Samantala, ang mga pambato naman ng Pilipinas na BREN Victress ay nanalo ng US$1,600 (₱71,000+) matapos tuldukan ang kanilang kampanya sa 3-4th place. US$700 (₱35,000+) naman ang para sa Omega Empress na nagtapos sa 5-8th place.

Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB, i-like at i-follow lang ang Facebook page ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Blacklist International tagumpay sa SIBOL 2022 MLBB National Team Selection