Matapos maging kampeon sa katatapos lang na Mobile Legends: Bang Bang World Championship (M3), inihayag ng Blacklist International na ido-donate nila ang bahagi ng kanilang panalo sa mga nasalanta ng bagyong Odette.

Tinapos ng Blacklist International ang best-of-seven grand finals series laban sa kapwa Pinoy team na ONIC PH sa score na 4-0 upang patunayang sila ang pinakamalakas na MLBB team sa buong mundo.

Sa kanilang panayam sa stage, ibinahagi ng Blacklist International coach na si Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza na nais nilang ipagdiwang ang kanilang panalo lalo na ngayong darating na Pasko ngunit sumagi sa kanilang isip ang lagay ng kanilang mga kababayan na hindi pinalad at naging biktima ng Typhoon Odette kung kaya’t ibabahagi nila ang kanilang mapapanalunan bilang tulong sa mga nasalanta.

MLBB Blacklist International BONCHAN
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports

“We really want to celebrate the holidays but we are also thinking of our fellow countrymen who became victims of the typhoon so as a help, a portion of our prize will be donated to them,” pahayag ni BON CHAN. “We want to celebrate our holidays giving smiles to our fellow countrymen.”

Libo-libo ang naitalang nasalanta ng ng bagyong Odette sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao kabilang ang mga pamilyang nawalan ng tahanan at lagpas 100 na nasawi.

Makakatanggap ang Blacklist International ng US$300,000 habang ang playoffs MVP naman na si Kiel Calvin “OHEB” Soriano ay mag-uuwi ng US$10,000.