Matapos muling mabigo na makaselyo ng kanilang unang panalo sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 9 (MPL PH Season 9), mas batid na ng lineup ng dekoradong Blacklist International ang dapat pang bigyan-pansin sa paggulong ng kanilang kampanya.
Macro play at chemistry ang idiniin nilang dahilan kung bakit hirap ang Blacklist ngayong Season 9.
Ito mismo ang banggit nina Kiel “OHEB” Soriano at Dexter Louise “DEX STAR” Alaba ng harapin nila ang fans sa kanilang post-match interview matapos mapatid ng ECHO, 2-0 sa Week 2 Day 3 matchup.
Kulang daw sa chemistry at macro play ang Blacklist ngayong Season 9

Mabilis na sinagot ni DEX STAR ang tanong kung ano ang dapat pa nilang ipagbuti sa pagpapatuloy ng season. Sagot ng player at analyst, “Saken siguro yung macro play namin. Kasi magagaling naman sila individually pero pagdating sa clash, as a team, ayun yung dapat i-improve talaga.”
“Katulad noon, halimbawa may teamfight, sa mga lords, sino mga tatargetin. Ayun kasi yung nabuo noong Season 7 and 8. Yung kahit nakapikit sila alam na nila,” pagpapatuloy ng dating 6th man ng grupo.
Tinantiya din ni DEX STAR ang kaniyang sariling performance matapos ang mahigit 17 buwan na hindi paglalaro bago sumalang ulit para sa Blacklist ngayong Season 9. Pag-amin ng beterano, “Kailangan din talagang maghabol kasi angtagal kong hindi nakapaglaro so kailangan ko habulin yung kung ano yung level nila. Kahit di habulin basta maka-support.”
Para naman kay OHEB, chemistry ang dahilan kung bakit hirap ang Blacklist ngayong Season 9. Gayunpaman, patuloy daw ang team sa pagpupursiging bigyan ng magandang laban ang mga fans.
“Di naman kami tumitigil kaka-practice. Ginagawa namin best namin tuwing match. Tiyaka ayaw din naman naming matalo ng matalo. Wala. Ganoon talaga ang itinadhana para sa amin. Ta-try parin naman namin ‘yung best namen,” ani ng M3 World Championship MVP.
Mistulang delubyo man ang nararanasan ng Blacklist ngayong Season 9 ay tiwala pa rin si OHEB sa development ng kaniyang team. “Kada-game naman nag-iimprove kami. Natututo kami sa mga mistakes namin. Iniimprove namin yung next game.”
Blacklist bigo kontra ECHO, 2-0
Hindi nakaisa ang koponan ng Tier One sa kanilang Week 2 Day 3 matchup kontra ECHO. Bagamat magilas ang maniobra ng team sa maagang bahagi ng game 1 ay isang clash lamang ang kinailangan ng hanay ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno para baliktarin ang laro.

Halos perpekto ang maniobra ng M2 World Champion sa kaniyang signature Lancelot na nagtala ng 5/1/7 KDA para kuhanin ang maagang kalamangan para sa binansagang super team ng MPL PH Season 9.
Dinala ni KarlTzy ang momentum pagdako ng Game 2 sa parehong assassin hero.

Magnipiko ang galawan ng batikang jungler na nagpakawala ng lamang sa 66k damage at nagtala ng halimaw na 848 gold per minute sa larong tinapos lamang nila sa higit sa 15 minuto.
Napakalinis na 12/0/5 KDA performance ang inilista ni KarlTzy sa likod ng magilas na suporta ng Johnson-Kadita combination nina Jankurt Russel “KurtTzy” Matira at Tristan “Yawi” Cabrera.
Sundan ang pagpapatuloy ng Blacklist ngayong Season 9 sa pamamagitan ng pagsubaybay sa ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Hadji bilang jungler malabo mangyari ngayong MPL PH S9 ayon kay Coach BON CHAN