Pinatalsik ng Blacklist International ang huling koponan ng Indonesia sa M3 World Championship matapos nilang pataubin ang RRQ Hoshi sa pamamagitan ng isang malupit na 3-0 sweep.

Pagkatapos blangkuhin ng ONIC PH ang RRQ sa upper bracket semifinals, oras naman ng back-to-back MPL Philippines champion na paluhurin ang tinaguriang “King of kings” sa lower bracket quarterfinals at lalong palakasin ang tsansa ng Pinas na makuha ulit ang pinaka-prestihiyosong titulo sa Mobile Legends: Bang Bang.


Blacklist winalis ang RRQ sa M3 lower bracket quarterfinals

Blacklist winalis ang RRQ sa lower bracket quarterfinals
Credit: Moonton

Gaya ng inasahan, unang laro pa lang ay sobrang init na agad ng bakbakan nang magpamalas ang RRQ Hoshi ng solidong depensa at wave clear matapos ubusin ng Blacklist International ang kanilang mga tore at subukang tapusin ang laban kasama ang Lord.

Tinangka pa nga ng RRQ na mailista ang isang comeback pero pinarusahan ng Blacklist ang kanilang pag-aasim sa base ng mga Pinoy sa bandang 34-minute mark. Nag-all in ang BLCK sa Natani ni Albert “Alberttt” Iskandar at tuluyan siyang pinatumba ni Danerie James “Wise sa kanyang signature Yi Sun-Shin.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Pumitas pa ng tatlo ang Blacklist bago pigilan ni Kiel “OHEB” Soriano sa Esmeralda ang pagtatangka ni Schevenko David “Skylar” Tendean sa Chou na mag-split push sa mid para makuha ng PH squad ang unang panalo.

Nagpakita ng nakakamanghang performance si “Wise-SS” matapos tumikada ng perpektong 13-0-9 KDA at magpakawala ng 157K damage sa Game 1 na tumagal ng 35 minuto.

Credit: Moonton

Mas agresibo sila Alberttt sa Paquito at ang kanyang Indonesian crew sa pagsisimula ng Game 2 pero sadyang napakatindi ng counter-initiate ng mga Pinoy champs sa panguguna ng Phoveus ni Edward “EDWARD” Dapadap.

Habang lumalamang ang RRQ sa kill score, nag-focus lang ang Blacklist sa macro game na pagkuha ng turrets at objectives, at hinintay lang ang kanilang kalaban na simulan ang mga team fight.

Sa Lord dance na naganap sa 11-minute mark, nag-initiate ang RRQ pero nag-backfire ito sa kanila nang dakdakan sila ni EDWARD gamit ang Demonic Force at tuluyang pataubin ng Natan ni OHEB si Alberttt para masiguro ang Luminous Lord.

Nilimas ng Blacklist ang lahat ng tore ng RRQ bago mag-tower lock habang zino-zone out ni EDWARD ang mga kalaban para maipako ang 2-0 series lead.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

‘Di na pinabawi pa ng Blacklist International ang RRQ Hoshi at mabilis na sinara ang serye sa likod ng malahalimaw na Clint ni OHEB sa Game 3.

Isa-isang pinagbabaril ni OHEB ang mga miyembro ng RRQ para maitala ang malinis na 10-0-2 KDA at mahigit 61K damage sa dominanteng 13-6 victory sa loob lamang ng 11 minuto.

Maiging nasuportahan si OHEB ng Mathilda ni kapitan Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna at Phoveus ni EDWARD habang si Salic “Hadji” Imam sa kanyang Pharsa ang nagbigay ng kinakailangang magic damage sa panig ng Blacklist.


Umabante ang Blacklist International sa lower bracket semifinals kung saan makakasagupa nila ang mananalo mamaya sa pagitan ng EVOS SG at Todak. Mapapanood ang ang mga laban sa opisyal na Facebook at YouTube channel ng Mobile Legends.

Nagtapos naman ang kampanya ng RRQ Hoshi sa 5th-6th place at makakakuha ng US$40,000 (halos P2,000,000) na premyo.

Sundan ang mga kaganapan sa M3 sa pamamagitan ng pag-like sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.