Kasado na ang inabaangang rematch sa pagitan ng Blacklist International at BloodThirstyKings matapos durugin ng Pinoy team ang home squad na EVOS SG sa M3 World Championship lower bracket semifinals.

Pinagpatuloy ng back-to-back MPL Philippines champion ang kanilang nagbabagang lower bracket run at sunod na biniktima ang inaugural winner ng MPL Singapore para i-set up ang rematch kontra sa BTK ng North America na pinaluhod ng ONIC Philippines kanina.


Blacklist madaling winalis ang EVOS SG para itakda ang BLCK vs BTK rematch

Blacklist madaling winalis ang EVOS SG para itakda ang BLCK vs BTK rematch
Credit: Moonton

Simula pa lang ng serye, rumampa agad ang signature Estes ni captain Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna at pinangunahan ang dominanteng panalo ng Blacklist International sa Game 1.

Maagang nakapag-UBE time ang Blacklist dahil sa naipanalo nilang team fights at nakuhang objectives sa likod ng solidong sustain mula kay OhMyV33nus. At sa bandang eight-minute mark, na-wipe out ng mga Pinoy ang EVOS SG sa isang clash sa mid lane kung saan kumana ng triple kill si Danerie James “Wise” Del Rosario sa Natan.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Mula dito ay pinagpatuloy ng BLCK ang kanilang pag-ariba at hindi na lumingon pa patungo sa 18-2 victory sa loob lang ng 10 minuto.

Nagtala ng 14 assists at tatlong kills para sa nakakamanghang 94% kill participation si “The Queen” na hindi man lang namatay sa laro habang si “Filipino sniper” Kiel “OHEB” Soriano sa kanyang Clint ang bumitaw ng pinakamalaking damage kaya nakapaglista siya ng perpektong 6-0-10 KDA.

Credit: Moonton

Tila hindi nadala ang mga Singaporean at hinayaan pa ring makuha ni OhMyV33nus ang kanyang nakakakilabot na Estes kaya naman parang deja vu lang ng unang laban ang naganap.

Dinomina ng Blacklist ang EVOS SG sa bawat team fight pero siniguro pa rin ang paglimas sa mga objective upang maipako ang 15-1 pandudurog sa loob ng 13 minuto.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Medyo pumalag-palag ang EVOS SG gamit ang kanilang unorthodox pick na Faramis pero hindi pa rin ito naging sapat kontra sa Blacklist International na pinangunahan ng Estes ni V33 at Natan ni OHEB.

Sa bandang 10-minute mark, sinubukan ng EVOS na gumawa ng turnaround play sa pamamagitan ng four-man Diversion ng Luo Yi para i-contest ang Lord take ng Blacklist pero isa-isa silang pinatumba ni OHEB na tumikada ng maniac.

Credit: Moonton

Tinuldukan ng Pinoy champs ang serye sa pamamagitan ng isang 27-10 panalo ng 17 minuto kung saan nagtala ang star gold laner ng 12-3-5 KDA at halos 99K damage.

Solido rin ang pinakitang performance nila Edward “EDWARD” Dapadap sa Paquito (4-0-10) at Salic “Hadji” imam sa Kagura (5-0-11) sa panapos na laro.


Sa kabila ng kanilang pagkatalo, nakakuha pa rin ng fourth-place finish ang EVOS SG at nakatanggap ng US$55,000 (P2.7 milyon) na premyo.

Nakatakda namang maganap ang BLCK vs BTK rematch sa best-of-five lower bracket finals mamayang ika-pito ng gabi. Aabante ang mananalong koponan sa Grand Finals laban sa ONIC PH bukas.

Panoorin ang M3 World Championship sa opisyal na Facebook at YouTube channel ng Mobile Legends. Maaari niyong masubaybayan ang mga pangyayari sa M3 sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.