Mabibilang sa isang kamay ang dami ng coaches na makakaparis sa Mobile Legends international stage experience na karga ng Blacklist International head coach na si Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza.

Pagkaraan tulungan ang koponan ng Tier One na makamit ang tropeyo ng prestihiyosong M3 World Championship, si BON CHAN din ang utak sa likod ng SIBOL MLBB na nag-uwi ng gintong medalya sa katatapos lamang na 31st Southeast Asian Games (SEAG) MLBB Event.

Bagamat kinapos makabalik ang kaniyang team sa gaganaping MSC 2022 sa Malaysia ngayong Hunyo ay nanatiling may hulog ang kaniyang pananaw lalo pa’t pinangunahan niya ang koponang huling nagpatupi sa mga teams at players na lalahok sa nasabing patimpalak.

Pagtataya ng dekoradong coach, may 41% chance daw ang Pinoy teams na mauwi ang kampeonato.


Tantiya ni Coach BON CHAN sa paparating na MSC 2022

Credit: ONE Esports PH

Eksklusibong nakausap ng ONE Esports Philippines ang utak sa likod ng mala-alamat na Blacklist International para kuhanin ang kaniyang saloobin tungkol sa gaganaping MSC 2022.

Sa naturang panayam, sinagot ni BON CHAN ang tanong kung ano ang tiyansa ng PH teams na makuha ang tropeyo ng international na patimpalak. “41% ang chance ng PH,” palabirong sagot ng beterano.

Mababalikan na sentro ang SIBOL MLBB team ng Blacklist coach sa umalingawngaw na komento ni Setsuna “AkoSiDogie” Ignacio kung saan sinabi ng MLBB personality na may 10% tiyansa lamang daw ang PH team na mauwi ang gantimpala sa SEA Games.

Credit: SEA Games

Pinabulaan ito ni Coach BON CHAN sa pamamagitan ng malinis na playoff run tampok ang pagpapadapa sa Singapore sa semifinal, 2-1, bago tambangan ang Indonesia, ang koponang inaasahan ni Dogie na manalo ng ginto, sa Grand Final sa 3-1 demolisyon.

Ngayong siya naman ang nagbigay ng pursyento, maikli ngunit may kaakibat na pananalig ang kaniyang paliwanag sa komento. “Dahil sa finals ay BO7, magiging 4-1 ang score ng [para sa] PH.”

Bukod dito, inilahad din ni BON CHAN ang mga teams na hindi dapat tulugan ng PH teams sa MSC 2022. “Nagiging unexpected ang performance ng MY at SG. Proven last SEA Games.”

Makakasama ng RSG Philippines ang kanilang katukayong RSG Singapore sa Group B, habang magtutuos ang MSC 2021 champions Smart Omega at RRQ Hoshi ng Indonesia sa Group C. Gugulong ang MSC 2022 Group Stages sa June 11 hanggang June 12, at ang playoffs naman ay gaganapin sa June 14 to June 19.

I-like at i-follow ang ONE Esports Phillipines sa Facebook para sa pinakahuling balita tungkol sa MLBB.

BASAHIN: Coach Pakba1ts ibinahagi ang kaniyang mga karanasan kontra Blacklist International