Kapag nailagay na ang huling tuldok sa epiko ng dekoradong Mobile Legends team ng Blacklist International, walang duda na pinakamalaking bahagi nito ang mga duwelong kinabilangan ng koponan kontra sa Smart Omega (dating Execration) ni Jaime “Coach Pakba1ts” Abalos.

Dramatiko ang bawat bakbakan na kinatampukan ng mga koponan ni Coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza at ni Coach Pakba1ts, partikular na ang kanilang grand finals showdown sa magkasunod na MPL Philippines Season 7 at MSC 2021.

Credit: SEA Games

Kahit pa magkaiba ang landas na tinahak at tatahakin sa unang bahagi ng taon ay nanatiling magkawangis ang guhit ng palad ng magkabilang team. Kamakailan, nadepensahan ng Team SIBOL na binubuo ng mga miyembro ng Blacklist ang gintong medalya sa 31st SEA Games. Ganito din ang kabig na gusto ng OMG sa kanilang kampanya sa MSC 2022 sa darating na Hunyo.


Coach Pakba1ts sinabing si OhMyV33NUS ang susi ng BLCK, inilahad kung paano nilusutan ang team sa noong MSC 2021

Credit: MPL Philippines

Sa isang eksklusibong panayam kasama ang ONE Esports Philippines, inamin ni Coach Pakba1ts na sabik ang kaniyang koponan kapag nahaharap sa batikang Blacklist International.

Aniya, “sobrang saya namin ‘pag kalaban namin Blacklist. Kahit hindi sa grand finals, kase alam namin [na] maganda [ang] magiging laban namin [at] marami kameng matutunan sa kanila.”

Mababalikan na dalawang ulit nagharap ang dalawang teams sa grand finals. Sa MPL Philippines Season 7, nilusutan ng Blacklist ang dating Execration team ni Coach Pakba1ts, 4-3 para bigyang daan ang koronasyon nina Danerie “Wise” Del Rosario at Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna bilang hari at reyna ng MPL.

Ngunit mabilis na pinutol ng dating team Execration ang selebrasyon. Pagdako ng MSC 2021 ay matamis na lason ang ipinalunok nina Duane “Kelra” Pillas at Joshua “Ch4knu” Mangilog sa koponan ng Tier One nang talunin nila ang koponan sa rematch, 4-1, para naman hirangin bilang “Kings of the SEA”.

Credit: SEA Games

Ayon sa head coach ng Smart Omega, malaking bagay daw ang kanilang karanasan sa MPL para magawa ang pagsupil sa arangkada ng BLCK noon sa international event. Pagbabahagi niya, “‘Di kase sila nagbago ng style ng heroes nila kaya medyo nakabisado na namin kung ano priority nila tsaka kung paano sila maglaro sa map.”

Bagamat nasa kabilang panig ng kasaysayan, nanatiling mataas ang respeto ng dating pro player at beteranong coach ng Smart Omega. Hindi lingid sa kalaaman ng coach kung sino ang tunay na susi sa tagumpay ng pinakadekoradong team sa mundo ng MLBB.

“Siguro yung special sa BLCK ay yung command ni V33NUS kase alam niya lahat ng teamfights na ipapanalo nila. Alam niya din kung saan sila matatalo.”

Credit: MPL Philippines

Karugtong nito, may simpleng paliwanag din si Coach Pakba1ts sa nabigong draft style ng Indonesia sa SEA Games kung saan tinarget nila ang hero pool ni OhMyV33NUS. “Kase ginawa na ng ilang teams [na] i-ban all heroes ni veenus kaya alam na nila gagawin ‘pag ginawa pa ulit sa kanila.”

Para sa mga eksklusibong content tulad nito, sundan lamang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Listahan ng mga panalong nakamit nina OhMyV33nus at Wise sa nagdaang mga taon