Pinatunayan muli ng V33Wise duo na binubuo nina Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna at Danerie “Wise” Del Rosario kung bakit sila hinirang bilang “The Most Iconic Duo in MLBB” pagkaraang tulungan ang SIBOL MLBB na iuwi ang gintong medalya sa 31st Southeast Asian Games (SEAG) MLBB Event sa Hanoi kamakailan.

Walang kupas ang support-jungler duo na ipinakita sa mundo ang gilas ng mga Pinoy sa larangan ng Mobile Legends. Bagamat nanakawan ng isang laro ay hindi nagpapigil ang National Team Selection na kinuha ang Games 2 at 3 kontra Singapore sa Semifinal, bago tuluyan ang paboritong Indonesian team sa Grand Finals na pinadapa nila sa iskor na 3-1.

Credit: SEA Games

Ngunit bago matamasa ang tamis ng tagumpay ay kinailangan ng tandem na lumiban sa MPL Philippines Season 9, isang desisyon na nagtamo ng samu’t-saring komento mula sa mga miron, at ng pagkabigo ng team makapasok sa playoffs para sa dapat sana ay ikalawa nilang depensa sa kanilang MPL korona.

Gayunpaman, tumindig para sa V33Wise duo ang kanilang coach na si Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza na sinabing sulit ang sakripisyong ginawa ng dalawa para mapanatili ang gintong medalya sa panig ng Pilipinas.


Nilaan ng V33Wise ang off-time sa MPL para sa SEAG

Credit: SEA Games

Enero ngayong taon lumabas ang balita na hindi muna sasabak sa MPL Philippines ang V33Wise duo para sa defending champions Blacklist International.

“Both the players and the management agreed that this is the perfect time to take their much-needed break that will better equip them for another run in season 10 and a chance to defend our world championship title,” sulat ng koponan ng Tier One sa kanilang social media post.

Lumiban man sa MPL PH Season 9 ay hindi naman daw ganap na nagpahinga ang duo sa training ayon kay Coach BON CHAN.

Credit: SEA Games

“Halos ‘di rin sila nagpahinga dahil continous ang training nila [para] sa SEA Games,” ani ng dekoradong coach sa isang ekslusibong panayam kasama ang ONE Esports Philippines.

Tungkol naman sa kanilang dismayadong kampanya sa nakaraang season, walang bahid ng pagsisisi ang beterano lalo pa’t nakamit ng kaniyang Team SIBOL ang inasam na gintong medalya para sa Pilipinas. “Worth it ang pagskip nila ng S9.”

Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa eksklusibong balita gaya nito.

BASAHIN: Magkano ang cash incentive na matatanggap ng mga nanalong Pinoy sa 31st SEA Games?