Naglabas ng pahayag ang realme Philippines kaugnay sa hinihintay na tugon ng BloodThirstyKings (BTK) sa hamon na inihain ng SIBOL Mobile Legends: Bang Bang team.

Matatandaan na nagbitaw ng pasaring ang team captain ng BTK na si Michael “MobaZane” Cosgun sa kanyang stream na nais niya umanong makaranas na makatalo ng SEA Games gold medalist.

Hindi naman ito pinalampas ng SIBOL at agad-agad na naglabas ng sarili nilang pahayag kung saan pinatungkulan nila ang mga sinabi ni MobaZane sa kanyang stream. Kaugnay nito ay pinansin din nila ang mga kurokuro tungkol sa kung anong mangyayari pag nagkaharap ang pambansang MLBB team at ang koponan na kinatawan ng USA sa M3 World Championship.

MLBB SIBOL Opisyal na Statement Ukol sa BTK
Credit: SIBOL

Sagot ng SIBOL, dadalo sila bilang mga special guests sa grand finals ng realme Mobile Legends Cup (RMC) Season 6 sa Linggo, June 5. Kung nais ng Team USA na makaharap sila, ay nakahanda silang lumaban.

Ngunit ayon sa realme sa kanilang Facebook post, wala pa rin umanong sagot ang koponan ni MobaZane ukol sa hamon. At kung sakaling hindi sisipot ang koponan na galing America, nakaabang naman ang team ni Dogie upang lumaban sa SIBOL.

MLBB realme statement BTK SIBOL
Credit: realme

Sa kasalukuyan, naghihintay pa rin ang marami sa sagot ng American team ukol sa pagpalag sa hamon ng pambansang MLBB team ng Pinas.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.