May pagsubok agad na hinarap si Alter Ego star jungler Eldin “Celiboy” Rahadian Putra bago pa man magsimula ang MPL Indonesia Season 9. Sa unang pagkakataon kasi mula noong Season 4, nagkaroon siya ng kakumpetensya sa jungler role sa anyo ni Fahmi “AMYY” Fadillah na nagmula sa AE X MDL.
Kilala si Celiboy sa pagiging malupit na assassin user ngunit tila may problema pa siya pagdating sa flexibility. Sa kabilang banda, si AMYY naman ay kayang gumamit ng jungler-fighters kaya mas maraming pagpipilian ang Alter Ego sa kanilang mga laban.

Kaya hindi na rin nakakapagtaka na pinagpapalit ng AE sina Celiboy at AMYY sa tumatakbong MPL ID Season 9. Naglaro na ang dalawa sa magkaibang linggo, ngunit hindi maganda ang naging resulta nito para sa Alter Ego.
Hinahalughog pa ng MPLI 2020 champs ang posibleng best lineup ngayong season.
Sa kanilang 1-2 pagkatalo sa Aura Fire, pinalaro ng AE ang combo nila AMYY, Prayoga “Rexlona” Naufal Agustiansyah at Rasya “Rasy” Arga Wisista. Ngunit pagsapit ng bakbakan kontra Bigetron Alpha, pumasok na muli sila Celiboy, Muhammad Julian “Udil” Ardiansyah at Devara “DevKoch” Reynanda Putra.
Nagpasiklab si Celiboy sa tapatang Alter Ego-Bigetron Alpha

Hindi naging maganda ang performance ni Celiboy noong nakalasap ng 0-2 sweep ang Alter Ego sa kamay ng Rellion Zion noong Week 2. Kaya naman nang mabigyan ulit siya ng pagkakataong maglaro, sinigurado ng 19-year-old pro na magpakitang-gilas.
Ipinamalas ni Celiboy ang bilis ng kanyang kamay sa paggamit ng Fanny sa Game 1. Dahil wala sina Deven “Renbo” Markos at Hengky “Kyy” Kurniawan para sa Bigetron Alpha, naging agresibo ang AE star jungler sa kanyang laro kaya naman nakapagtala siya ng perpektong 7/0/1 KDA.
Pagdating ng Game 2, bumida naman siya sa kanyang Yin na na-maximize niya at pinakitang malakas na jungler ito sa kasalukuyang meta. Pinangunahan ng kanyang Yin ang mas agresibong atake ng Alter Ego sa larong ito para makumpleto ng koponan ang 2-0 victory sa serye.
Pinatunayan ni Celiboy sa serye laban sa Bigetron Alpha na siya pa rin ang karapat-dapat na starting jungler ng Alter Ego matapos mag-struggle sa mga unang linggo ng liga.
Salin ito ng artikulo ni Redzi Arya Pratama ng ONE Esports Indonesia.