Kahit pa hawak ng Blacklist International ang momentum pagdako ng M3 World Championship playoffs, hindi magpapakampante ang MPL Philippines Season 8 champions lalo na sa kanilang round 1 matchup kontra BloodThirstyKings ng North America.
Ito ay ayon sa Blacklist Coach na si Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza na ibinahagi ang estado ng koponan at ang kanilang paghahanda sa inaantabayanang playoff run.
Inilahad ni Coach BON CHAN ang kalibre ng BTK

Sa isang eksklusibong panayam kasama ang ONE Esports Philippines, ibinahagi ng beteranong coach ang dekalidad na laro na dala ng BTK na naitabla ang scrimmage matches nila kontra sa paboritong Blacklist.
“Match kami sa last scrims namin. Magandang laban ‘to,” paglalarawan ni Coach BON CHAN.
Ani pa niya, inaasahan na din daw ng Pinoy team na hindi basta-basta ang magiging bakbakan kontra sa mga taga-NA, kasama na din ang iba pang koponan na umabante sa upper bracket. “Siguradong mas dikitan ang laban kaysa nung 1st day.”
Mababalikang nagpabilib ang BTK sa M3 Group Stages Day 3 kung saan pinataob nila ang NAVI at SeeYouSoon para ilista ang 2-1 record sa Group C. Nagningas ang atake ng NA team na nakasentro sa kanilang jungler na si MobaZane na naglista ng dalawang MVP gantimpala sa mga nasabing matches.
Momentum ng Blacklist papunta sa M3 Playoffs

Sa kabilang banda naman, hindi itinago ni Coach BON CHAN ang naidulot ng dominante nilang kampanya sa M3 Group Stages kung saan winalis nila ang Group A.
Inamin niya na “confidence-booster” ang nagawa nila sa M3 opener, kasabay na din ng pagpapaabot ng kilabot sa mga koponang susubok na banggain sila sa hinaharap. “Para kabahan din yung future opponents namin dahil sa pinakita naming performance.”
Maganda rin daw ang nagiging kinalalabasan ng kanilang pagsasanay para sa paparating na playoffs, at umaasa siyang magreresulta ito sa panalo sa mismong torneo.
Tungkol naman sa malahalimaw na performances ng kaniyang gold laner na si Kiel “OHEB” Soriano, heto lamang ang nasabi ni Coach BON CHAN, “Normal na lang sakanya ang ginagawa at laruan nya.”
Gusto mo ba makabasa ng mga eksklisbong panayam katulad nito? Puwes, sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook!
BASAHIN: Ang OHEB Beatrix Build na ito ang bumalagbag sa Group A sa M3 Group Stages