Aminado si Coach Harold Francis “Tictac” Reyes na kasabay ng paghilili niya kay Coach Michael “Arcadia” Bocado, ay bibitbitin niya ang pressure na kaakibat ng head coaching role ng isa sa pinaka-pamosong koponan sa MPL Philippines.

Matatandaan na kamakailan lamang ay sumibat mula ECHO ang dekoradong coach na si Arcadia papunta sa hanay ng Kings of Kings ng MPL Indonesia na RRQ Hoshi.

Credit: RRQ Hoshi

Ngayong si Tictac na ang gagabay sa tinaguriang “Super Team” ng MPL sa gugulong na Season 10, batid niya ang kinakailangan niyang punan lalo pa’t inaasahan ng mga miron ang comeback ng star-studded team.


Estado ni Coach Tictac at ng ECHO papunta sa MPL PH S10

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Nakapanayam ng media ang nagbabalik na head coach upang kamustahin ang kalagayan niya sa bago niyang poste, kasama na din ang ginagawa ng ECHO bago opisyal na gumulong ang torneo ngayong August 12.

Sa naturang panayam, inamin ni Coach Tictac na hindi mawawala ang pressure ngayong susubukan niyang akayin ang koponan papunta sa minimithing kampeonato ngayong season. Para raw mainda ito, itinutuon lamang daw niya ang kaniyang pansin sa ginagawa nila sa kanilang bootcamp.

“Kung ano yung pinamana sa amin ni Coach Arcadia, kung ano yung tinuro sa amin ni Coach Arcadia, tinutuloy ko lang so para iwas din sa pressure,” banggit ng 41-anyos na coach.

“Syempre yung mga fans may mga bash, may mga haters, sakin ‘wag na lang pansinin kumbaga gagawin ko na lang yung best ko para no regrets, ganun lang.”

Credit: MPL Philippines

Masaya naman daw si Coach Tictac na nagbabalik na siya sa ligang pamilyar na sa kaniya. Pero pag-aamin ng beterano, “Actually sobrang saya pero behind that yung pressure talaga, sobrang napakalaki kasi ECHO ‘to e, ang laki ng expectations sa team lalo na may super team kami dito ‘di ba so ayun, yun lang talaga. Yung pressure talaga.”

Tungkol naman sa preparasyon ng koponan, sentro daw sa kanilang approach para sa S10 ang pagpapaigting ng disiplina sa loob at labas ng laro lalo pa’t bukod sa pagbabago ng meta, ay ito raw ang isa sa mga naging rason kung bakit maagang naputol ang kanilang kampanya sa S9.

“Kita naman natin sa first half nung Season Nine talagang laging nananalo, tapos nung nagkapatch doon nagkaroon ng problema. Siguro disiplina, kinulang talaga kami sa disiplina so ito talaga yung pinu-push namin this season. Disiplina talaga in and out of the game,” paliwanag ng coach.



Bubuksan ng ECHO ang kanilang MPL PH Season 10 kampanya kontra ONIC Philippines sa August 14.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook!

BASAHIN: MPL PH S10 Power Rankings ni Reptar: Lakas ng BLCK at RSG PH inihambing sa teams sa Formula 1, inilahad ang dapat gawin ng ECHO ngayong season