Wala pang opisyal na anunsyo ang EVOS Legends tungkol sa roster na isasalang nila para sa MPL Indonesia Season 10. Kaliwa’t-kanan ang ispekulasyon na nakapalibot dito ngunit ang masisigurado daw ng miron, ayon kay Bjorn “Coach Zeys” Ong, ay masosorpresa sila sa ihahandog na lineup ng M1 World Champions sa kanilang tangkang bumalik sa rurok ng eksena.
Mga haka-haka tungkol sa EVOS Legends roster sa MPL ID S10

Sandamakmak na pagbabago ang inaasahan ng mga fans sa lineup ng EVOS ngayong season. Una sa mga ito ang tiyansang maiangat sa active roster ang standout players nila mula sa kanilang developmental team na EVOS Icons na naghari sa nakaraang MDL Indonesia Season 5.

Bukod dito, umiingay din ang bulungan na hindi muna sasabak sa lineup sina REKT, Luminaire at Wann sa pagpasok ng ika-sampung season ng MPL ID. Maaalalang sila ang core players na gumabay sa team papunta sa pinakatuktok ng Mobile Legends kung kaya’t tinagurian din silang “M1 Trio” sa Indonesia.

Ngunit marahil pinaka-inaantabayanan ng mga fans ang kumpirmasyon ng koponan tungkol sa pagkuha sa bantog na Filipino EXP laner na si Gerald “Dlar” Trinchera na huling naglaro sa M3 World Championship runner ups na ONIC Philippines.
Habang wala pang inilalabas ang EVOS ay pinapalagay na sina Clover, Ferxiic, Cr1te, Tazz, Pendragon, Bajan, at Vaanstrong ay kasama na sa lineup kung susuriin ang mga players na nagpakita na sa mga scrimmages.
Mabibigla ang fans sa EVOS Legends roster sa S10 ani ni Coach Zeys

Nagkaroon ng pagkakataon ang ONE Esports na makapanayam si Coach Zeys sa gitan ng isang FF tournament noong nakaraan. Bagamat hindi naglabas ng maraming detalye si Zeys ay tiniyak naman niyang kapanapanabik ang ihahandog ng EVOS sa pagbubukas ng S10.
“Everything is still a secret, but I make sure the EVOS Legends MPL ID S10 roster is really unexpected by many people,” aniya.
Dagdag pa ng EVOS Legends coach, “I don’t think anyone will think that these are the players for season 10.”
Kasunod nito, nagbigay din ni Zeys ng komento tunkol sa sinabi ni REKT na hindi siya maglalaro kung may player na sasabak mula sa Pilipinas at umaasang hindi ito masyadong sineryoso ng mga fans.

“I don’t think it’s 100 percent true. We know REKT jokes sometimes, we’ll see about that later. In general, the strategy will change as the roster changes. I can’t wait. Good things will come out from this roster,” paliwanag niya.
I-check out ang Facebook ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: Mga sinyales na sasanib na si Dlar sa EVOS Legends ngayong MPL ID S10