Patuloy na umiingay ang mga bali-balita tungkol  kay Gerald “Dlar” Trinchera at ang posibilidad niyang maglaro para sa EVOS Legends sa MPL Indonesia. Mas pinaingay ito ng ilang posts na lumabas sa social media na tila ay nagkukumpirma sa haka-haka.

Kung totoo mang sasanib si Dlar sa EVOS Legends ay masasandalan ng White Tigers ang isa sa pinaka-magilas na offlaner sa mundo, katuwang ang malawak ang karansan sa international stage. Hindi na rin kagulat-gulat kung bakit inaantabayanan ng mga miron ang kumpirmasyon matapos niyang kumalas mula sa ONIC Philippines.

Mobile Legends Bang Bang Official

Karugtong din ito ng pagdako ni Kairi “Kairi” Rayosdelsol sa ONIC Esports at ang posibilidad na makuha ng Geek Fam ID ang serbisyo ni Allen “Baloyskie” Baloy.

Ang tanong ngayon: Papanig na ba si Dlar sa EVOS?


Gaano kaposible ang paglipat ni Dlar sa EVOS Legends?

Credit: Moonton

Unang umusbong ang bulungan na interesado ang dalawang MPL ID teams na EVOS Legends at Bigetron Alpha sa serbisyo ng batikang offlaner. Gayunpaman, mukhang nasa panig ng White Tigers ang huling halakhak.

Malaking bahagi kung bakit nabuo ang ispekulasyon ay dahil sa pagiging bukas ng EVOS sa pagkuha ng Filipino players, partikular na sa EXP lane at roamer positions ayon sa post ni Zeys. Sa nasabing post ng head coach, si Dlar ang unang nagkomento.

Ngunit hindi lamang ganito kababaw ang dahilan kung bakit ganoon na lamang ang haka-haka ng mga miron. Ang SMG at Indonesian MLBB national team coach din na si James Chen ay mistulang sigurado na sa paglipat ni Dlar sa EVOS.


Nakapaloob sa tweet ni Chen ang pangalan ng mga Filipino players na lalayag sa iba’t-ibang teams sa labas ng MPL PH, kasama na doon si Dlar.

Marami ang nagpapalagay na nasa Indonesia na ngayon si Dlar matapos ang kaniyang upload sa social media kung saan nagpaalam siya sa kaniyang pamilya sa airport.

Credit: Moonton

Tuloy na kaya si Dlar sa EVOS?

Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuli tungkol sa MLBB.

BASAHIN: E2MAX tampok pa rin sa roster ng Smart Omega para sa MPL PH S10