Nagpatuloy ang mga maiinit na bakbakan sa Day 2 ng ONE Esports MPL Invitational (MPLI) 2021 kung saan apat na koponan mula sa Pilipinas ang sumalang sa labanan.
Unang nagharap ang mga pambato ng Cambodia at Malaysia na SeeYouSoon at Todak na sinundan ng sagupaan sa pagitan ng sister teams na RSG PH at RSG SG.
Matindi ang pagtatapat ng kapwa Filipino squads na Onic PH at Smart Omega habang ang isa pang PH team na Nexplay EVOS ay nilabanan ang Rebellion Genflix ng Indonesia sa huling serye ng araw.
SeeYouSoon pinabagsak ang Todak sa Day 2 ng MPLI

Pinakita ng kauna-unahang kampeon ng MPL KH (Cambodia) na SeeYouSoon kung bakit marami ang nakaabang sa kanila sa MPLI.
Nagpasiklab agad ang SeeYouSoon sa kanilang MPLI debut sa pamamagitan ng isang 19-minute comeback sa Game 1 na pinagbidahan ng Paquito ni Mon “RUNN” Phearun, ngunit nakatabla ang Todak sa likod ng jungle Bane ni Ahmad Ali “Leixia” Huzaifi Abdullah.
Hindi natinag ang mga bagito ng SeeYouSoon at winasak ang Todak sa win-or-go home Game 3 sa kill score na 16-1 sa loob lamang ng 11 minuto. Dinikta ni Seng “EMBER” Monyoudom sa kanyang Mathilda ang nagbabagang atake ng koponan mula sa Cambodia.

Umabante ang SeeYouSoon sa ikalawang round ng bracket na binuo ng MPL Philippines king na Blacklist International at sunod nilang makakalaban ang Bigetron Alpha bukas ng gabi.
RSG PH winalis ang sister team na RSG SG

Sa isa na namang sibling rivalry na naganap sa Day 2 ng MPLI 2021, nilaglag ng RSG PH ang RSG SG gamit ang mabilis na 2-0 sweep kung saan nagpakitang gilas ang MPL PH Season 8 Best Rookie na si Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto at kapwa rookie na si Eman “EMANN” Sangco sa kanilang international debut.
Malahalimaw ang Balmond ni Demonkite na binuhat ang koponan ni coach Brian “Panda” Lim tungo sa madaling 12-2 win sa loob ng 11 minuto sa Game 1. Tumikada siya ng perpektong 9-0-1 record at mahigit 40K damage.
Si EMANN naman ang bumida sa series clincher gamit ang kanyang Claude na nagtala ng 6-1-6 record at halos 52K damage sa dominanteng 18-4 panalo sa loob ng 13 minuto.
Sunod na babanggain ng RSG PH ang Echo Philippines bukas sa unang serye ng Day 3, ala una ng hapon. Haharapin ng mananalo dito ang MPL Indonesia champ na Onic Esports.
Kairi, Onic PH nilaglag ang Smart Omega

Hindi naiwasan ang maagang pagtatapos ng kampanya sa MPLI 2021 ng isa sa mga koponan mula sa Pinas sa tapatang ito kung saan nagtagumpay ang Onic PH kontra sa Smart Omega, 2-0.
Katulad ng inasahan, naging mainit ang sagupaan ng MPL PH S8 runner-up at third-placer sa pagsisimula ng serye. Pero Onic ang nanaig matapos ang 21 minuto dahil sa nagliliyab na X.Borg ni Gerald “Dlarskie” Trinchera na sinira ang formation ng Omega para madaling makabitaw ng damage ang Claude ni Marky “Markyyyyy” Capacio at Lunox ni Allen “Baloyskie” Baloy sa mga clash.

Mas dikit ang nangyaring laban sa Game 2 at patunay nito ang halos parehong net worth at kill score ng dalawang koponan hanggang sa 15-minute mark.
Ngunit pumabor ang ihip ng hangin sa Onic sa isang Lord fight kung saan napuksa nila ang Lancelot ni Dean “Raizen” Sumagui at tuluyang nakuha ang Luminous Lord. Na-wipeout ng Onic ang Omega sa sumunod na clash salamat sa biglaang Feathered Air Strike ng Pharsa ni Baloyskie at chase prowess ng Hayabusa ni Kairi.
Pinangalanang MVP ang Best Core ng MPL PH S8 sa laro matapos kumamada ng malupit na 12-1-3 stat line at halos 72K damage.

Kakalabanin ng Onic ang Indonesian powerhouse na RRQ Hoshi bukas, 6:10 p.m., sa pangalawang round ng “Bracket of Death” ng MPL Malaysia titlist na Team SMG.
Rebellion Genflix itinumba ang H2wo at Renejay-less na Nexplay EVOS

Sa huling serye ng Day 2 ng MPLI, nilista ng Indonesian team na Rebellion Genflix ang 2-0 panalo laban sa pambato ng Pilipinas na Nexplay EVOS, na hindi kasama ang kanilang star jungler na si John Paul “H2wo” Salonga at EXP laner na si Renejay “RENEJAY” Barcarse.
Pinarusahan ng RBG ang tila out-of-sync na NXPE sa Game 1 sa pangunguna ng Ruby ni Rendy “Coyy” Syahputra na nagtala ng 1-0-16 record at 89% kill participation.
Bagamat mas maganda ang pinakita ng MPL PH fourth-placer sa sumunod na laban, hindi pa rin ito naging sapat kontra sa MPL ID bottom finisher na inorkestra ng Mathilda ni Attanasius David “SwayLow” Halomoan Sihaloho (4-1-6 KDA).
Pasok ang RBG sa pangalawang round sa bracket ng MPL SG winner na EVOS SG kung saan makakaharap nila ang defending MPLI champion na Alter Ego.
Sa pagsasara ng Day 2 ng MPLI 2021, apat na PH teams pa kabilang ang Blacklist International ang natitira sa 20-squad, five-nation tournament na may US$100,000 (higit PHP5 milyon) prize pool.
Narito ang updated na bracket matapos ang Day 2 ng MPLI:

Mapapanood ang Filipino/Tagalog broadcast ng MPLI 2021 sa Facebook page ng ONE Esports Philippines at YouTube channel ng ONE Esports.