Sa wakas, ang pinakahihintay na debut ni Pinoy EXP laner Gerald “Dlar” Trinchera sa MPL Indonesia Season 10 nang harapin ng EVOS Legends ang Geek Fam ID sa Week 2 Day 2 ng liga.

Laban sa kanyang former ONIC PH teammate na si Allen “Baloyskie” Baloy at isa pang Pinoy player na si Mark “Janaaqt” Lazaro (dating kilala bilang Hadess ng ECHO), ipinakita ni Dlar na pwede siya gawing main EXP laner ng M1 world champion team matapos tulungan ang koponan na masungkit ang 2-0 sweep.


Dlar tinulungan ang EVOS Legends ang 2-0 panalo kontra Geek Fam ID sa MPL ID S10

Dlar ng EVOS Legends
Credit: EVOS TV

Dahil dalawang fighters ang tinanggal ng Geek Fam ID sa Game 1 draft, kinuha ni EVOS Legends coach Bjorn “Zeys” Ong ang signature Uranus ni Dlar. Bagamat hindi ito swak sa kasalukuyang meta, mabisa pa rin itong pinagana ng 22-year-old pro na hindi man lang napatay sa laro.

Kumana siya ng perpektong 4/0/4 KDA at tinangke ang mahigit 86K damage mula sa kalaban upang tulungan ang White Tigers na mailista ang 16-7 win sa loob ng 14 minuto. Nakipagsanib-puwersa siya kay roamer Rachmad “DreamS” Wahyudi, na kapo-promote pa lamang mula sa MDL ID.

Credit: MPL Indonesia

Malaki na naman ang ginampanan ni Dlar sa tagumpay ng EVOS Legends sa Game 2 kung saan mas matinding laban ang ipinakita nila Baloyskie at Geek Fam ID.

Hindi ulit namatay si “The General” gamit ang Esmeralda na pumukol ng 2 kills at 6 assists sa laro na tumagal ng 15 minuto at 40 segundo. Nabigyan ng espasyo ang Wanwan ni Hafizhan “Clover” Hidayatullah sa mga clash upang makapagbitaw ito ng Crossbow of Tang.

Credit: MPL Indonesia

Isang malaking panalo ito para kila Dlar at EVOS Legends bago tumungo sa “El Clasico” kontra sa ‘di pa natatalong defending champion RRQ Hoshi sa ikatlong linggo ng liga. Tabla ngayon ang EVOS at ONIC Esports, na tinatampok si Kairi “Kairi” Rayosdelsol, sa No. 3 ng eight-team standings hawak ang parehong 2-1 series win-loss record.

Para sa Mobile Legends at MPL updates, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.