Natapos na ang matagal na paghihintay ng fans sa Indonesia sapagkat sa wakas ay nagpakita na din ang bagong mukha ng EVOS Legends na si Gerald “Dlar” Trinchera sa MPL Indonesia Season 10.

Hindi naman pinayagan ng binansagan ding “The General” na mabigo ang fans dahil malinis na 2-0 sweep agad ang inihandog niya para sa mga ito matapos itiklop ang Geek Fam ID.

Credit: ONE Esports

Sa naturang matchup, kapansin-pansin ang gaan ng atmosphere sa panig ng EVOS bagamat bagong salta ang koponang sumabak para sa kanila na kinabilangan nina Dlar, MDL Icon standouts na sina Sutsujin, DreamS at Tazz, at ng mainstay na si Clover.

Naaliw ang fans hindi lamang sa gilas ng kanilang play kundi sa mga pagkakataong nagkakaroon ng interakasyon ang mga ito dala na lamang ng mga ekspresyon ni Dlar.


EVOS Dlar swabe na pala magsalita ng Bahasa?

Credit: MPL ID

May mga ekspresyon na narinig ang EVOS Legends fans sa mic check tampok si Dlar na ikinatuwa ng mga ito. Mistulang ginawang libangan ng EXP laner na banggitin ang mga salitang “Rata Woi” o di kaya naman ang “Panic dek” habang nakangiti at kumpiyansa sa kaniyang laro.

Hindi lamang iyon ang rason kung bakit aliw na aliw ang EVOS Fams sa bago nilang player. Ebidente rin kasi ang pagka-kumportable niya sa pagsasalita ng kaniyang teammates gamit ang Bahasa, bagamat may mga pagkakataong lumalabas pa rin ang ingles na mga salita sa mga ito para maintindihan niya.

Credit: ONE Esports

Isa pang mistulang naging highlight ng debut night ni Dlar ay ang sinabi niya matapos manalo sa kaniyang unang laro: “Uranus God here.”

Ngayong kumpiyansa at kumportable na ang Pinoy superstar sa kinalalagyan niya ngayon ay siguradong malaki ang maitutulong nito sa chemistry ng players ng White Tigers.



Pagsasalin ito sa sulat ni Redzi Arya Pratama ng ONE Esports ID.

BASAHIN: Heto raw ang malaking pagkakaiba ng Pinoy at Indo players sabi ni Baloyskie