Matapos tulungang walisin ang RSG SG, 3-0 sa Day 2 ng M3 Playoffs, inamin ng ONIC Philippines EXP laner na si Gerald “Dlarskie” Trinchera na may mas malaking rason kung bakit ganoon na lamang ang gigil ng kaniyang team sa pagpapatuloy ng upper bracket matchups.


Tiwala si Dlarskie sa tiyansa ng PH teams sa M3

Credit: Moonton

Sa post-match interview, ipinaliwanag ng beterano na bukod sa kagustuhang palawigin ang kanilang kampanya sa upper bracket ay layunin ng kaniyang team na bigyang pag-asa ang Pinoy Mobile Legends Fans.

Kaugnay ito ng kaganapan sa M3 Playoffs Day 1 ng kapusin ang paboritong Blacklist International kontra sa BloodThirstyKings ng North America na yumanig sa buong eksena.

Credit: Moonton

Aniya, “Gusto namin sila bigyan ng sigla (Pinoy fans). Hindi pa natatapos ang laban. Kaya pa din ng Blacklist bumawi.”

Pagpapatuloy ng binansagang “The CEO”, susubukan daw ng PH teams sa M3 na ipakita ang tunay nilang husay sa harap ng mga miron. “Papakita namin kung paano namin itataas ang bandera ng Pilipinas.”

Mababalikang hindi iba sa batikang EXP laner ang mga miyembro ng Blacklist International. Sa katunayan, naging kasangga ni Dlarskie noon ang sikat na V33Wise Duo na binubuo ni Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna at Danerie “Wise” Del Rosario sa ONIC PH team na sumabak sa MPL PH at M1 World Championship.

Credit: ONIC Philippines

Ngayong nasa kabilang ibayo ang kaniyang mga dating kakampi, nanatiling buo ang tiwala ni Dlarskie at ng kaniyang koponan sa kakayahan ng MPL Philippines Season 8 champions na umangat mula sa nakakatakot na lower bracket kung saan naghihintay ang MPL Invitational 2021 champions ONIC Esports, MPL MY Season 8 Champions Team SMG at MPL Brazil champion Red Canids.

Ng tanungin tungkol sa team na inaasahan ng ONIC PH na umangat mula dito, iisa ang sagot ni Dlarskie at nina Kairi “Kairi” Rayosdelsol at Ian “Beemo” Sergio na naroon din para sa post-match interview.

“For us, its Blacklist.”


Sundan ang biyahe ng PH teams sa M3 World Championship sa pamamagitan ng pagsubaybay sa ONE Esports Philippines sa Facebook!

BASAHIN: ONIC PH Coach Yeb sa mentalidad ng team sa M3 Playoffs: ‘Lahat kailangang talunin, walang dapat katakutan’