Matapos ang makabag-damdaming kampanya sa Group B ng M3 World Championship Group Stages, mas batid na ngayon ng ONIC Philippines ang lebel ng kumpetisyon na kahaharapin nila sa paggulong ng pinakamalaking torneo sa mundo ng Mobile Legends.

Ito ang paliwanag ni Coach Denver “Yeb” Miranda sa ONE Esports Philippines sa isang panayam, kung saan ibinahagi din niya ang estado ng koponan bago sumalang sa M3 Playoffs upper bracket.


ONIC PH Coach Yeb sa preparasyon bago ang M3 Playoffs

Credit: Moonton

Bago gumulong ang inaantabayanang bakbakan kontra RSG SG, ibinahagi ni ONIC PH Coach Yeb na maganda ang nakikita niyang resulta sa mga pagsasanay na ginagawa ng kaniyang koponan.

Positibo daw ang mentalidad ng team lalo pa’t napatunayan nila ang kanilang husay sa tinaguriang “bracket of death” ng M3.

“Expected namin na lahat ng teams dito sa M3 World Championship, malalakas and dahil doon mas nag-ready kami. Lahat kailangan talunin, walang dapat katakutan para makuha ang championship,” ani ng beteranong coach.

Credit: Moonton

Patuloy daw ang pagsandal ng ONIC PH sa kanilang karanasan mula sa matarik na Group Stages kung saan nagtapos sila sa 1st place.

Paglalarawan ni ONIC PH Coach Yeb, “Very happy kasi kahit natalo kami sa ONIC ID, nakuha pa rin natin yung top 1 sa bracket. Hindi kami overconfident pero ready na ready yung team kahit natalo kami sa game 1. Hindi bumaba yung confidence level nung team. Gigil na gigil kami lahat!”


Role switches at Aamon picks, hindi raw malabo ayon kay ONIC PH Coach Yeb

Credit: Moonton

Malaking sopresa para sa mga miron ang pagpunta ng superstar midlaner na si Allen “Baloyskie” Baloy sa roam, habang ang kaniyang gold laner na si Jaylord “Hatred” Gonzales ang pumuno dito.

Kung maasahan ba ang mga ganitong role switches pagdako ng upper bracket playoffs, nilinaw ni ONIC PH Coach Yeb na magdedepende ito sa mga matchups nila at sa performance ng kaniyang mga players.

Sa kabilang banda, hindi naman tinaggal ng utak ng ONIC PH ang posibilidad sa pagkuha ng Aamon na ginamit ng kaniyang team sa midlane at sa jungler position.

Banggit niya, “Hinahanapan ko lang siya ng hero synergy and bagay din sya sa playstyle and sa players ko. Grabeng assassin to si Aamon. Flexible pa. Jungler, midlane and gold lane, gana siya sa lahat ng ‘yan.”


Eksklusibong balita at mga panayam ang hanap mo? Siguraduhin lamang na nakasunod sa Facebook page ng ONE Esports Philippines para makasagap ng mga ito!

BASAHIN: M3 World Championship: Schedule, format, scores, teams, at saan mapapanood