Pinangibabawan ng Onic Philippines ang tinawag na “Group of Death” ng M3 World Championship para maselyo ang kanilang pwesto sa upper bracket playoffs.

Ginulantang ng mga kaganapan sa Group B ang mga sumusubaybay sa professional scene ng Mobile Legends: Bang Bang pero pinatunayan ng MPL PH Season 8 runner-up na isa sila sa mga napipisil na manalo sa pinakamalaking torneo ng taon.


Onic PH bumida sa M3 Group Stage Day 2

Onic PH bumida sa M3 Group Stage Day 2
Credit: Moonton

Nagbabaga ang panimula ng Onic PH kontra sa sister team at isa sa mabibigat na title favorites na Onic Esports ng Indonesia sa pangunguna ng Lancelot ni Kairi “Kairi” Rayosdelsol at Aamon ni Jaylord “Hatred” Gonzales.

Subalit nagliyab ang double marksmen setup ng Onic ID sa late game kung saan isang Lord fight lang sa 20-minute mark ang nagdikta ng resulta. Nanakaw ni Drian ang Luminous Lord bago makipagsanib-pwersa kay Sanz para burahin ang apat sa pambato ng Pinas at ipako ang malupit na comeback ng ONE Esports MPL Invitational champion.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Bumawi ang Onic PH sa kanilang pangalawang match at pinatikim ang Todak ng Malaysia ng kanilang classic “banana split” strat na nakaangkla sa Rafaela ni kapitan Allen “Baloyskie” Baloy.

Malinis na pumili ang Onic ng mga team fight at nag-focus sa pagkuha ng objectives. Matapos mapaslang ang Luminous Lord, nag-all-in na ang mga Pinoy sa kanilang finishing push sa 15-minute mark kung saan tinodas ni Hatred ang tatlo sa Todak at binasag nila Baloyskie, Gerald “Dlarskie” Trinchera (Esmeralda) at Marky “Markyyyyy” Capacio (Faramis) ang base.

Hinirang na MVP ng laro si Baloyskie matapos magtala ng 92% kill participation mula sa kanyang 11 assists kontra sa isang death lamang.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Dahil sa nakakagulat na pagkatalo ng Onic ID sa kamay ng Keyd Stars ng Brazil at Todak, pinagtalunan ng Onic PH at Keyd ang isa sa mga tiket patungong upper bracket.

Pero nagpamalas ng kalmadong mentalidad ang mga bata ni coach Denver “Yeb” Miranda at pinagpatuloy ang kanilang objective-based playstyle. Unti-unting dinurog ng Onic ang mga tore ng Keyd at kumuha lang ng mga pickoff bago isara ang laro nang wala pang 12 minuto.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Sa pagtatapos ng M3 Group Stage Day 2, Onic PH ang nangibabaw sa “Group of Death” ng torneo para makasama ang kapwa Pinoy team na Blacklist International sa upper bracket.

Pumangalawa naman ang Todak na nakakakuha rin ng upper bracket slot. Isang malaking kabiguan ang tinamo ng Onic ID na lumagapak sa ilalim ng Group B at makakasama ang third-placer na Keyd Stars sa lower bracket.

Credit: Moonton

Narito naman ang kasalukuyang playoff picture matapos ang M3 Group Stage Day 2:

Credit: Moonton

Dalawang araw na labanan pa ang magaganap sa group stage ng M3 World Championship bago idaos ang playoffs simula sa ika-11 ng Disyembre. Mapapanood ang mga laro sa Facebook at YouTube channel ng Mobile Legends.

Sundan ang Facebook page ng ONE Esports Philippines para sa mga balita tungkol sa nagaganap na M3.