Hindi binigo ng Blacklist International ang umapaw na suporta ng Pinoy Mobile Legends: Bang Bang fans matapos magpakitang-gilas sa Day 1 ng M3 group stages.

Perpektong 3-0 record kontra sa mga koponan sa Group A ang inihandog ng MPL Philippines Season 8 champions, na mas lalong pinatamis ng pasabog na performances mula kina Kiel “OHEB” Soriano at Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna.


Malinis ang laro ng BLCK sa M3 Group Stage opener

Credit: Moonton/ Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Mainit na agad ang makinarya ng Blacklist na binuksan ang M3 Group Stage sa isang dominanteng performance kontra Red Canids ng MPL Brazil. Buo ang loob ng nagbabalik na Barats jungler ni Danerie “Wise” Del Rosario na malayang gumala sa jungle ng RED para itanggi ang buffs sa kalabang Yi Sun-Shin.

Credit: Moonton/ Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Kasabay nito, hindi nagpataob ang Mathilda Airlines ni OhMyV33NUS na magilas na inakay ang kaniyang koponan sa pagkuha ng hero kills at pagselyo ng objectives. Nagtala ang “The Queen” ng malinis na 2/1/4 KDA papunta sa MVP gantimpala.

Sa mga laro naman kontra Malvinas Gaming at Bedel, bumida ang pagbabalik ng Beatrix gold lane ni OHEB na siyang nagpaulan ng damage sa mapapangahas na kalaban.

Bagamat maagang nagpakaba sa mga agents ang Fanny composition na isinalang ng Bedel, timbog ang mga taga-Turkey sa maniobra ni OHEB sa marksman na nagtala pa ng maniac sa ika-7 minuto ng laro.

Dinala ng binansagang “The Prince” ang momentum na ito sa bakbakan kontra MVG kung saan dinomina niya ang gold lane sa harap ng Popol and Kupa.

Nagtala si OHEB ng magkasunod na 13/1/2 at 7/0/4 KDA para hiranging MVP ng dalawang laro.

Sa malinis na 3-0 sweep na ito kontra sa Group A, Blacklist International ang unang team na sigurado na sa upper bracket ng playoffs.


Group A standings matapos ang unang araw ng M3 Group Stage

Credit: Moonton/ Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Matapos idispatya ng grupo ng Tier One ang kompetisyon sa kanilang grupo, 3-0, nagkaroon ng three-way tie sa standings sa Day 1 ng M3 Group Stage.

Sa tiebreaker games, matamis ang paghihiganti ng mga Brazilians kontra Malvinas Gaming sa Match 7, gayunpaman, hindi napigilan ng MPL Brazil champions ang arangkada ng Bedel sa Match 8.

Sasamahan ng Turkish team ang Blacklist international sa upper bracket ng playoffs habang ang MVG at RED naman ay makikipagbakbkan sa lower bracket.

Heto ang hitsura ng standings matapos ang M3 Group Stage Day 1:

GROUP AWinsLossesAGG. Points
*Blacklist International (PHI)303
*Bedel (TUR)121
Malvinas Gaming (LATAM)121
Red Canids (BRA)121
*Sigurado na sa upper bracket ng M3

Sundan ang pinakahuling balita tungkol sa M3 World Championship sa pamamagitan ng pagsubaybay sa ONE Esports Philippines sa Facebook!

BASAHIN: M3 World Championship: Schedule, format, scores, teams, at saan mapapanood