Pinataob ng ONIC PH ang hometown squad na RSG SG sa pamamagitan ng matamis na 3-0 sweep upang makaarangkada sa upper bracket semifinals ng M3 World Championship.

Malinis na in-execute ng mga bata ni coach Denver “Yeb” Miranda ang kanilang signature “banana split” strategy sa unang dalawang laro bago pigilan ang tangka ng RSG na pahabain pa ang serye sa Game 3.


Kairi nagpasiklab, ONIC PH winalis ang RSG SG sa kanilang upper bracket matchup

Kairi nagpasiklab, ONIC PH winalis ang RSG SG
Credit: Moonton

Pinagpatuloy lang ng ONIC PH ang kanilang matagumpay na stratehiya mula sa group stage na pag-focus sa mga turret ng kalaban para makuha ang first blood serye.

Pinagana ng napakakunat at napakalikot na Uranus ni Gerald “Dlarskie” Trinchera ang trademark na “banana split” strat ng koponan mula sa Pinas sa pamamagitan ng pag-cut ng minion waves at pagkuha ng atensyon ng RSG SG para malayang makabasag ng mga tore ang kanyang mga kakampi.

Dikit ang kill score ng magkatunggaling koponan pero kitang-kita ang laki ng kalamangan ng ONIC sa tower damage kaya naman naisara nila ang Game 1 sa loob ng 15 minuto.

Tila replay ang naganap sa ikalawang laro kung saan target pa rin ng ONIC ang mga tore ng RSG at mahahalagang objectives sa mapa.

Pero sa pagkakataong ito, lumabas na mas malakas ang mga Pinoy pagdating sa mga team fight at sa bandang 10-minute mark pa nga ay binura nila ang mga Singaporean sa isang 4-versus-5 clash sa panguguna ng mala-palos na Yi Sun-Shin ni Kairi “Kairi” Rayosdelsol.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Habang ang Uranus ni Dlarskie ay nakatambay sa base ng RSG, sunod na pinuntirya ng ONIC ang Lord bago magmartsa patungo sa pagtapos ng laro sa loob lamang ng 12 minuto.

Hinirang na MVP ng Game 2 si Kairi sa kanyang YSS matapos siyang tumikada ng 4-1-8 record para sa 80% kill participation at nagpakawala ng mahigit 58K damage.

Credit: Moonton

Tinangka ng RSG SG na patagalin pa ang serye nang kuhain nila ang napakalaking kalamangan sa early game ng Game 3 mula sa tagumpay nila sa mga team fight.

Pero pinatunayan ni Kairi sa kanyang Natan kung bakit siya ang tinatawag ng “The Present” matapos niyang nakawin ang Lord kill sa 10-minute mark gamit ang kanyang malupit na micro skills. Iniwasan niya ang Neumenon Blast mula sa Lolita ng kalaban gamit ang Entropy switch bago lumapit sa Lord at paslangin ito gamit ang retribution.

Dahil sa malupit na play ni Kairi, napatagal ng ONIC ang laro at nakuha ang late game power spike ng kanilang double marksman setup na Natan at Beatrix ni Jaylord “Hatred” Gonzales.

Muling pinakita ni Kairi ang kanyang mechanical ability gayundin ang mga kasamahan niya sa ONIC para pangibabawan ang clash sa 21st-minute mark sa bot lane kung saan inubos nila ang RSG bago rumekta sa pagsara ng serye.

Credit: Moonton

Ang 16-year-old star jungler mula sa Bataan ang muling tinanghal na MVP sa Game 3 matapos niyang magtala ng 8-5-6 KDA, 93% kill participation at mahigit 60K damage.


Sasalpukin ng ONIC PH sa upper bracket semifinals ang mananalo sa pagitan ng RRQ Hoshi ng Indonesia at Todak ng Malaysia mamaya. Panoorin ito sa ika-15 ng Disyembre sa opisyal na Facebook at YouTube channel ng Mobile Legends.

Maaari niyong sundan ang mga kaganap sa M3 sa pamamagitan ng pag-like sa ONE Esports Philippines Facebook.