Kuliglig na lamang ang natirang humuhuni sa loob ng Malaysia International Trade and Exchange Centre (MITEC) pagkatapos sulutin ng Smart Omega ang huling dalawang para biguin ang Orange Esports sa kanilang Best-Of-Five serye sa lower bracket semis ng MSC 2022.

Pagkatapos ng malagkit na kumprontasyon, hindi nag-atubili ang OMG gold laner na si Duane “Kelra” Pillas na ipakita sa home crowd ang rason kung bakit tinawag siyang “The Filipino Savage”. Walang naging sagot ang mga miron sa MITEC ng tumayo ang batang pro, kumaway na mistulang nagpapaalam, bago kumumpas ng pang-asar na crying gesture.

Credit: ONE Esports

Sa isang panayam kasama ang MPL Philippines caster matapos ang serye, ipinaliwanag ng kapitan ng koponan na si Patrick “E2MAX” Caidic ang rason kung bakit ganoon na lamang ka-gigil ang kanilang gold laner.


E2MAX: Inawitan, sinigawan at ginulo sila ng MITEC crowd partikular na si Kelra

Credit: MSC

Masayang hinarap ni E2MAX at ng ka-kosa na si Robert “Hito” Candoy ang Pinoy casters matapos lusutan ang home team. Sa naturang panayam, binigyang-linaw ng kapitan ang dahilan ng kanilang reaksyon matapos ang serye.

Paglalarawan ng pro, “Sobrang tahimik [ng MITEC]. Natatawa nga kami eh. Kasi nung lumalamang sila, ano sila, sobrang ingay.”

“Talagang parang ina-ano kami, iniinis kami, prine-pressure kami lalo. May sinisigaw pa nga sila eh,” dagdag pa ni E2MAX. Sinundan naman ito ni Hito na sinabing may kinakanta pa daw ang mga miron sa loob ng event center.

Tantiya pa ng OMG midlaner, si Kelra daw ang pinupuntirya ng home crowd kaya naman ganoon na lamang ang emosyon ng batang pro matapos ang madikit na serye.

Credit: MSC

May halong pagbibiro ang tugon ng kapitan ng Smart Omega sa kanilang responde sa ingay at gulo ng Malaysian fans. “Eh nung game 4, game 5, di na namin pinag-ingay. Sobrang tahimik akala nga namen walang nanonood eh.”

Malaki ang ginampanan ni Kelra sa Game 5 pagsulot ng OMG para sibakin ang huling natitirang kinatawan ng Malaysia sa MSC 2022.

Sundan ang pinakahuli sa Mobile Legends sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Ang basihan ni RSG PH Light sa pagiging magaling na Franco player