Buhay pa ang tsansa ng Smart Omega na madepensahan ang kanilang korona sa Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2022 dahil nalusutan nila ang Orange Esports, 3-2, sa kanilang mahigpit na lower bracket quarterfinals match.

Pinakita ng Omega kung bakit sila tinatawag na “Comeback Kings” nang burahin nila ang 1-2 series disadvantage upang patalsikin ang natitirang pag-asa ng Malaysia at siguruhin ang top 4 finish sa MSC 2022.

Ipinukol ni Duane “Kelra” Pillas ang unang savage ng torneo gamit ang kanyang signature Beatrix sa Game 4 habang dinala naman ni Renz “Renzio” Cadua sa kanyang Esmeralda ang laro sa Game 5.


Smart Omega pinatalsik ang Orange Esports ng Malaysia sa MSC 2022

Smart Omega
Credit: ONE Esports

Mahigpit ang bakbakan sa unang laban ngunit naipamalas na naman ng Smart Omega ang kanilang husay pagdating sa late game. Pinarusahan nila ang pag-aasim ng Orange sa mga huling team fight at mahapdi na rin ang binibitawang damage ng Beatrix ni Duane “Kelra” Pillas.

Sinelyo ng OMG ang 26-21 panalo sa loob ng 17 minuto kung saan tumikada si Kelra ng 11/2/4 KDA at pinakawalan ang pinakamataas na damage na umabot sa 103K.

Credit: MSC 2022

Naitabla ng OE ang serye salamat sa Esmeralda ni Born at Karrie ni Luk “Valenz” Yip na bumida sa 12-minute Game 2 at kinuha pa nga nila ang unang match point sa likod ng Chou ni Aimin “Minnn” Anuar sa Game 3.

Umaamba na sanang maka-comeback ang Omega sa ikatlong laro subalit nahuli ni Minnn ang Fanny ni Dean “Raizen” Sumagui malapit sa pit at tuluyang napitas ang jungler kaya madali nilang nakitil ang Evolved Lord na nakatulong sa kanilang ipako ang 19-minute victory.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Pero tila pinahinog lang Smart Omega ang Orange Esports dahil pagdako ng Game 4 ay nilampaso nila ang home squad sa loob ng 14 minuto sa pangunguna ng asintadong Beatrix ni Kelra.

Madiing tinuldukan ni Kelra ang 18-4 dominasyon ng Barangay sa pamamagitan ng isang savage at hinirang ulit siya na game MVP matapos maglista ng 10/1/4 KDA at 68K damage.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Nag-step up naman ang Esmeralda ni Renzio sa do-or-die Game 5 para makumpleto ng koponan ni coach Jomie “Pakbet” Abalos ang malupit na series comeback.

Dinomina ni Renzio ang Benedetta ni Born sa EXP lane at gumawa ng ilang malalaking plays sa mga importanteng clash. Nagtala siya ng 5/2/9 KDA at 58K damage na pinakamataas sa naturang laro.

Credit: MSC 2022

Sunod na sasalpukin ng Smart Omega ang MSC 2022 dark horse na Falcon Esports sa best-of-5 lower bracket semifinals bukas sa ganap na ika-3 ng hapon. Pinatumba ng Falcon ang kampeon ng MPL Malaysia na Todak, 3-1, sa kanilang lower bracket matchup kanina.

Kapwa nagtapos naman sa 5th-6th place ang pambato ng Malaysia na Todak at Orange Esports.


Ang kasalukuyang MSC 2022 playoffs bracket

Credit: MSC 2022

Bago ang bakbakan ng Smart Omega at Falcon Esports, magbabanggan muna sa upper bracket finals ang parehong MPL champions na RSG PH at RRQ Hoshi ng Indonesia sa ika-11 ng umaga.

Bukas na rin gaganapin ang lower bracket finals na nakatakda sa ika-7 ng gabi.


I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita patungkol sa MSC 2022 at Mobile Legends.