Sumandal ang RRQ Hoshi at Falcon Esports sa kani-kanilang mahuhusay na roamers upang mabilis na mawalis ang kanilang mga katunggali sa Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup (MSC) 2022 Playoffs Day 2.

Pasok sa upper bracket finals at sigurado na rin ang top 4 finish sa MSC 2022 ng reigning MPL Indonesia king matapos nilang durugin ang home team na Todak ng Malaysia.

Sa kabilang banda, nakalampas naman ang itinuturing na tournament dark horse mula sa Myanmar sa unang round ng laglagan sa lower bracket nang pabagsakin nila ang MPL SG Season 3 champion na RSG SG.


RRQ Hoshi at Falcon Esports tagumpay sa MSC 2022 Playoffs Day 2

VYN bida sa 3-0 sweep ng RRQ Hoshi kontra Todak

VYN ng RRQ Hoshi
Credit: MSC 2022

Napasakamay ni star roamer Calvin “VYN” ang kanyang signature hero na Franco sa Game 1 at hindi siya nagsayang ng oras sa pag-orkestra ng atake ng RRQ Hoshi. Kabi-kabilang pickoffs ang nakuha ng kanyang mga kakampi mula sa mga asintado niyang pagbitaw ng Iron Hook.

Isang malupit na Iron Hook-Flicker forward ang ginawa ni VYN upang mabingwit ang Yve ni Zikry “Moon” Bin Shamsuddin at tuldukan ang kanilang 14-6 panalo sa loob ng 17 minuto. 13 sa 14 kills ng RRQ ang na-assist ng batikang position-5 player.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Nagpakitang-gilas naman sina Albert Nielsen “Alberttt” Iskandar sa Karina at Schevenko “Skylar” David gamit ang Beatrix sa Game 2 na tumagal lamang ng 14 minuto.

Nagtala si Alberttt ng malinis na 7/0/4 KDA habang si Skylar naman ay kumana ng 6/0/3 KDA sa one-sided 16-3 victory ng “King of kings”.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Tuluyan nang pinatahimik ng RRQ Hoshi ang Todak at kanilang home fans sa Malaysia International Trade and Exhibition Centre nang pangunahan ni VYN sa kanyang Atlas ang 22-4 pandudurog sa loob ng 16 minuto.

Ilang pulidong Fatal Links initiation ang ginawa ng beteranong roamer para siguruhing mananaig ang kanyang koponan sa malalaking team fight na nagresulta naman sa madaling pagkuha ng Lord at turret objectives.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Umabante ang RRQ Hoshi sa upper bracket finals kung saan makakatapat nila ang mananalo sa pagitan ng RSG PH at Orange Esports ng Malaysia, na maglalaban bukas sa ganap na ika-6 ng gabi.

Nalaglag naman ang Todak sa lower bracket quarterfinals kung saan makakaharap nila ang Falcon Esports.


Naomi nanguna sa 3-0 victory ng Falcon laban sa RSG SG

Credit: MSC 2022

Galing sa kapuri-puring pagkatalo sa title favorite at MPL PH king na RSG PH, mainit na simulan ng Falcon Esports ang kanilang kampanya sa lower bracket. Pinaandar ng deadly Franco-Xavier duo nila Min “Naomi” Ko Ko at Pyae “JustiN” Sone Khant ang maagang aggression ng Falcon sa Game 1.

Wala pang 10 minuto ay nakapaglista na agad ng 12-2 kill score at 7K gold lead ang Burmese team dala ng pickoffs mula sa Iron Hook-Bloody Hunt plus Dawning Light combo, at mula rito ay umariba na ang Falcon patungo sa 19-5 victory sa loob lang ng 14 minuto.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Muling dinikta ng Falcon ang tempo sa Game 2 salamat sa kakaibang jungle Dyrroth ni Kenneth “Kenn” Hein bago pumalit sa driver’s seat ang kinakatakutang Beatrix ni Silent.

12 minuto lang ang kinailangan ng Falcon upang ipako ang 17-4 win kung saan ipinukol ni Silent ang perpektong 7/0/5 KDA at pinakamataas na damage sa kanilang koponan na umabot sa mahigit 44K.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Sa Game 3 muling ipinakita ni Naomi kung bakit siya ang kinikilalang pinakamatinik na roamer sa Myanmar gamit ang kanyang Natalia. Makailang-ulit niyang pinitas ang Ling ni Brayden “BRAYYY” Teo at Karrie ni Jovan “Babycakes” Ong kaya naman hindi nakapag-farm nang maayos ang dalawang cores ng RSG SG.

Tumikada ng triple kill si Naomi sa 8-minute mark at pinagpatuloy ang kanyang malupit na performance tungo sa pagtala ng kamangha-manghang 14/1/6 KDA at highest damage na 64K sa dominanteng 25-11 panalo sa loob ng 17 minuto.

Sumulong ang Falcon sa lower bracket quarterfinals kung saan makakakasagupa nila ang Todak. Samantala, nagtapos naman sa 7th-8th place ang RSG SG.


Ang kasalukuyang MSC 2022 playoffs bracket

Credit: MSC 2022

Maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para manatiling updated sa mga kaganapan sa MSC 2022.