Sinaluduhan ni Kenneth “Kenn” Hein ng Falcon Esports ang tinitingala niyang professional Mobile Legends: Bang Bang professional player na si Karl Gabriel “KarlTzy” Nepomuceno matapos nilang walisin ang RSG SG sa lower bracket ng MSC 2022.

Sa harap ng mga media na dumalo para maitala ang makasaysayang turneong idinaraos sa Kuala Lumpur, Malaysia, pinangalanan ng Burmese jungler ang ECHO player nang tanungin kung sino ang kanyang iniidolo.

Kenn ng Falcon Esports, shinoutout ang idol na si KarlTzy matapos ilaglag ang RSG SG sa MSC 2022
Credit: MPL Philippines

“I wanna give a shoutout to my idol, KarlTzy,” ani Kenn.

Kinikilala si KarlTzy bilang isa sa mga pinakamahusay na jungler sa buong mundo. Makasaysayan ang naging performance niya noong M2 World Championship, kung saan nadaig ng Bren Esports ang kinatawan ng Myanmar na Burmese Ghouls para mauwi ang kampeonato.

Siya rin ang pinarangalan noon bilang Finals MVP, at para ipagdiwang ito, inalay ni Moonton ang Epic skin ni Lancelot na pinamagatang “Bren Esports” bilang M2 Championship skin.



Ibinahagi rin ng 20-taong-gulang na pro player ang idol niya sa mga Indonesian player, “I really like Udil as well.”

Falcon Esports, patuloy ang pandaragit sa MSC 2022

Kenn ng Falcon Esports, shinoutout ang idol na si KarlTzy matapos ilaglag ang RSG SG sa MSC 2022
Credit: ONE Esports

Walang bakas ng pagod ang paglipad ng Falcon Esports, na naka-qualify mula sa Myanmar qualifier, sa gumugulong na turneo. Sa ngayon, sila pa lang ang tanging koponang nakatapos ng serye sa playoffs nang hindi natatalo.

Sa tatlong mapang nilaro nila kontra RSG SG, walang laro na lumagpas ng 18 minuto. Tatlong magkakaibang manlalaro rin ang kinilala bilang match MVP, una ang Xavier ni Pyae “JustiN” Sone Khant, na sinundan ng Irithel ni Silent, at tinuldukan ng Natalia ni Min “Naomi” Ko Ko.

Matibay itong patunay hindi lang sa kanilang tikas, kung hindi pati na rin sa naunang pahayag ni Blacklist International coach Kristoffer Ed “BON CHAN” Ricaplaza na tangan pa rin ng koponan ang kanilang pinagpaguran simula noong maudlot ang ikapitong season ng MPL sa kanilang bansa.



Susunod nilang haharapin ang matatalo sa pagitan ng RRQ Hoshi, ang kampeon ng MPL Indonesia Season 9, at Todak, ang hari ng MPL Malaysia Season 9. Nakatakdang iraos ang susunod nilang laban sa ika-17 ng Hunyo sa ganap na ikalawa ng hapon.

Masusubaybayan ang mga laban sa MSC 2022 sa mga sumusunod na official livestreams na matatagpuan dito.


Para sa karagdagang balita sa esports, at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: BON CHAN inilahad ang sikreto ng Falcon Esports sa magilas nilang performance sa MSC 2022 Group Stage