Tinuldukan ng Lancelot ni ace jungler Karl “KarlTzy” Nepomuceno ang 2-0 sweep ng ECHO laban sa Smart Omega sa pamamagitan ng isang malupit na savage sa Game 2 ng closing match sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9 Week 5.

Ito na ang ikaapat na savage ni KarlTzy (lahat gamit ang Lancelot) sa kanyang MLBB pro career na natulungan ang super team ng ECHO na maka-bounce back mula sa 0-2 pagkatalo sa Bren Esports at makabalik sa top spot ng standings.

Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Ito rin ang ikalawang savage sa MPL PH Season 9 sunod sa ginawa ni Omega gold laner Duane “Kelra” Pillas sa Beatrix noong nakaraang linggo.

Matapos ang tila paghina ng Lancelot ni KarlTzy sa mga nakaraang season, sinabi ng M1 world champion jungler na nagbabalik na ang bangis niya sa kanyang signature hero.


Lancelot ni KarlTzy dapat muling katakutan ngayong Season 9

Credit: MPL Philippines

Aminado ang 17-year-old pride ng Antipolo na nabawasan ang angas ng kanyang Lancelot sa mga nakalipas na MPL pero ngayong season ay nagbalik na ulit ito.

“Siguro po, feel nila (mga kalaban) kasi noong mga last seasons ng MPL parang nawala ‘yung Lance ko eh kaya siguro ‘di na sila takot. Kaya ngayon balik na ulit ‘yun,” saad ni KarlTzy sa post-match interview.

Sa pamamagitan ng savage tinapos ng Lancelot ni KarlTzy ang kamangha-manghang 13/1/9 KDA performance (91% kill participation) maging ang dominanteng 24-6 panalo ng ECHO kontra Smart Omega sa loob ng halos 15 minuto sa Game 2.

Lancelot ni KarlTzy MVP sa Game 2
Credit: MPL Philippines

Ipinaliwanag ni KarlTzy kung paano niya nagagawa ang kanyang matatalas na galawan na nagreresulta sa limang magkakasunod na kills.

“Parang hindi ko na rin po mapansin eh. Parang sobrang focused ko na po sa game masyadong di ko na rin po nakikita. Talagang “in the zone” na po ako nun. Talagang hero lang talaga, basta mapatay ko sila,” ani ng dating Bren Esports standout.

“‘Pag nakaka-savage po ako kalmado lang ako. Mas nakakagawa ako ng play ‘pag kalmado lang ako,” dagdag pa niya.

Tila hindi naman ikinagulat ni ECHO coach Michael Angelo “Arcadia” Bocado ang nagawang savage ng Lancelot ni KarlTzy.

“Sa mga scrims, talagang medyo madalas din makakuha si Karl ng high kills sa isang game and talagang sanay siya sa ganung klase ng playstyle. Minsan bigla mo na lang makikita si Karl, ‘uy nasa zone na siya.'”


ECHO balik sa No. 1 ng MPL PH Season 9 standings

Credit: MPL Philippines

Bago ipinukol ng Lancelot ni KarlTzy ang ikalawang savage ngayong season, pinangunahan muna ng Chou ni Tristan “Yawi” Cabrera ang tagumpay ng ECHO sa mahigpit na bakbakan sa Game 1.

Dahil sa 2-0 sweep kontra Smart Omega, umakyat muli ang ECHO at nilampasan ang TNC sa No. 1 spot ng eight-team standings hawak ang 21 points mula sa 8-2 series win-loss record.

Wala naman naipanalong serye ang Smart Omega sa Week 5 at nanatili sila sa No. 7 dala ang walong puntos mula sa 3-6 kartada.


Subaybayan ang mga pangyayari sa MPL Philippines at MLBB sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.