Tumalon sa No. 1 ang TNC Pro Team matapos nilang patumbahin sa pangalawang pagkakataon ang defending world champion na Blacklist International sa MPL Philippines Season 9 nitong Sabado ng gabi.

Naglista ang TNC ng 2-1 reverse sweep kontra Blacklist sa likod ng malupit na Lolita ni captain-roamer Ben “Benthings” Maglaque sa Game 3 kaya naman naungusan nila ang ECHO sa top spot ng eight-team standings sa gumugulong na season.

Hawak ngayon ng Phoenix Army ang 19 points mula sa 6-3 win-loss record kasabay pa ang three-match winning streak.

Malaking tagumpay na ito kung susumahin para sa franchise na nasa ikalawang season pa lamang sa liga. Pero idiniin ni TNC rookie mid laner Jomarie “Escalera” Delos Santos na hindi pa dito nagtatapos ang nais nilang makamit ngayong season.


Escalera sinabing hindi sila magpapakampante kahit No. 1 ang TNC ngayon sa MPL PH Season 9

Credit: MPL Philippines

Sa isang panayam kasama si MPL PH host Mara Aquino noong Biyernes matapos ang 2-1 panalo ng TNC kontra Smart Omega, sinabi nila Benthings at coach Jemson Glean “Scholar” Ignacio na 50-50 ang kanilang tsansa na malampasan ang ECHO sa top spot. Pero isang araw pa lang ang lumipas nagawa na agad nila ito.

No. 1 ang TNC ngayon sa liga ngunit idiniin ni Escalera sa post-match interview na hindi sila nakatingin sa standings.

“Kung tutuusin po, hindi ko po alam na No. 1 na po pala talaga kami. Pero sa standings lang naman po ‘yun. Hindi pa po tapos ang liga. Sobrang haba pa po,” ani ng 23-year-old pro na dating nagtatrabaho bilang jeepney driver.

“‘Di pa tapos ‘yung misyon namin. ‘Di po kami magpapakampante,” dagdag pa niya.

Marahil ang tinutukoy na misyon ni Escalera ay ang pagpasok ng TNC sa playoffs na hindi nagawa ng koponan noong nakaraang season at tuluyang pagsungkit ng kampeonato sa kauna-unahang pagkakataon.

Credit: MPL Philippines

Sa pagpapatuloy ng kanilang kampanya sa MPL Philippines Season 9 sa susunod na linggo, haharapin ng TNC ang super team ng ECHO na tinalo sila sa iskor na 2-1 noong first half ng regular season.

Ayon kina Escalera at rookie EXP laner Mark “Kramm” Rustana, mas nakapokus sila sa kanilang laro kaysa sa magiging resulta kontra sa mga mababangis na Orca ng liga.

“Para sa’kin po, ‘yung panalo hindi nako-control. Pero ‘yung execution po namin, kaya po namin kontrolin ‘yun,” sabi ni Escalera.

“‘Di ko po alam eh (gaano kahirap ang magiging laban kontra ECHO). Basta po ibibigay na lang po namin ‘yung best namin tska ‘yung mga ginagawa namin (sa practice),” wika naman ni Kramm.


Para sa mga karagdagang istorya patungkol sa MPL Philippines maging sa Mobile Legends: Bang Bang, bisitahin ang Facebook page ng ONE Esports Philippines.