Tukoy na ang mga koponang makakalaban ng ECHO at Blacklist International para sa group stage ng Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2023 (MSC 2023).

Opisyal nang inanunsyo ang resulta ng group draw para sa paparating na turneo. Nahati sa apat na pangkat ang 12 koponang kumakatawan sa 10 bansa para sa naturang yugto ng patimpalak.

May sinunod na rules ang naturang group draw. Nilagay muna ang lahat ng mga kalahok sa dalawang pool.

Ito ang mga makakalaban ng ECHO at BLCK sa group stage ng MSC 2023
Credit: Moonton

Ang una ay kinabibilangan ng mga kampeon mula sa MPL Philippines na ECHO, MPL Indonesia na ONIC Esports, MPL Malaysia na Todak, at kampeon ng Myanmar qualifier na Fenix Esports.

Ang ikalawa naman ay ang runner-up ng MPL PH na Blacklist International, runner-up ng MPL ID na EVOS Legends, kampeon ng MPL Singapore na RSG Slate Singapore, kampeon ng MPL Cambodia na BURN x FLASH, kampeon ng MPL MENA na Team Occupy, kampeon ng Turkey Championship na Fire Flux Impunity, runner-up ng NACT na Outplay, at kampeon ng Mekong qualifier na Team EVO.

Hindi pwedeng magsama sa isang grupo ang mga koponan sa unang pool, pati na rin ang mga galing sa parehong rehiyon at ang mga koponang galing sa franchise leagues.

Salitan ang pagbunot sa mga koponan para mailagay sa apat na grupo hanggang sa makumpleto ito.



MSC 2023 groupings: ECHO, bibida sa Group A, habang sa Group D naman ang Blacklist International

Ito ang mga makakalaban ng ECHO at BLCK sa group stage ng MSC 2023
Credit: Moonton

Kasama ng ECHO ang Fire Flux Impunity at Team EVO sa Group A. Binubuo ang Fire Flux Impunity ng mga miyembro ng dating Incendio Supremacy na sumabak noong M4 World Championship. Samantala, ang pamabato naman ng Mekong na Team EVO ay ang bumandera para sa Laos noong nagdaang ika-32 Southeast Asian Games.

Sa Group D naman napunta ang Blacklist International. Kasama nila ang Todak at Team Occupy. Parehong may karanasan na rin sa international tournaments ang dalawang kagrupo ng Codebreakers. Present sa huling dalawang MSC ang Todak, habang noong nagdaang world championship naman huling nagpakitang-gilas ang Team Occupy.

Single round-robin ang format ng group stage para sa MSC 2023. Aabante sa knockout stage sa top two teams ng bawat pangkat habang mae-eliminate naman ang bottom seed.

Ito ang mga makakalaban ng ECHO at BLCK sa group stage ng MSC 2023
Credit: Moonton

Idaraos ang group stage ng MSC 2023 simula ika-10 hanggang ika-13 ng Hunyo.


Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Coach Dale pamumunuan ang Team Outplay sa MSC 2023