Pumasok ang TNC Pro Team at ECHO sa unang laban ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9 regular season week 2 na parehong undefeated.

Pero matapos ang best-of-three serye, nalamatan ng ECHO ang perpekto pa sanang win-loss record ng TNC.


ECHO nanatiling undefeated kontra TNC sa MPL PH Season 9

Napa-amo ng ECHO ang maagang gold lead na naitala ng TNC matapos nila itong tambakan ng kills sa early game. Isang crucial na team fight sa may Lord pit ang naganap bandang 12-minuto ng laban kung saan tatlo ang napitas ng koponan ni Frediemar “3MarTzy” Serafico.

Dito na tuluyang umariba ang ECHO. Tatlong minuto na lang ang itinagal ng TNC mula sa nasabing bakbakan bago tuluyang pumutok ang kanilang base.

Hinirang na MVP ang Benedetta ni Karl Gabriel “KarlTzy” Nepomuceno matapos magtala ng dalawang kills at pitong assists kontra isang death.

‘Super team’ ng ECHO dinungisan ng talo ang record ng TNC
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

‘Di tulad ng naunang mapa, nagawang kontrolin ng ECHO ang maagang kalamangan sa kills at gold salamat sa Vale ni Jankurt “KurtTzy” Matira.

Kaso nga lang, hindi umabot sa deadline ang koponan matapos mangibabaw ng Uranus ni Mark “Kramm” Rusiana. Nagsilbi kasing susi ang EXP Laner para maipanalo ng TNC ang mga ambahan sa may Lord area.

‘Super team’ ng ECHO dinungisan ng talo ang record ng TNC
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Tagumpay sila sa pag-comeback sa larong tumagal ng 23 minuto para maitabla ang serye. Gaya ng inaasahan, hinirang na MVP si Kramm matapos kumana ng tatlong kills at walong assists kontra isang death, pati na rin 100% kill participation.

Ang ikatlo at huling mapa ng serye ay nagsilbing paalala sa mga dahilan kung bakit pumasok ang parehong koponan sa naturang laban na parehong undefeated.

Sa dulo, nanaig ang ECHO sa mga team fight sa tulong ng mataas na damage output ng Beatrix ni Benedict “Bennyqt” Gonzales at Aulus ni KarlTzy.

Napa-amo rin ng Uranus ng dating TNC player na si 3MarTzy ang signature Thamuz pick ni Kramm para maselyo ng kanyang bagong koponang ang pagkapanalo sa iskor na 2-1.


Bennyqt at KarlTzy kung ECHO na nga ba ang pinakamalakas na team sa MPL PH Season 9

‘Super team’ ng ECHO dinungisan ng talo ang record ng TNC
Credit: ECHO

Matapos manatiling undefeated kasunod ng tagumpay kontra TNC, natanong ang gold laner at jungler ng ECHO kung sapat na ba ito para kilalanin sila bilang ang pinakamalakas na koponan sa gumugulong na season.

“Hindi naman po kasi masyado pa pong maaga ‘yung season,” sagot ni Bennyqt.

Sinang-ayunan naman ito ni KarlTzy na sinabing ‘sakto lang’ ang katayuan ng koponang binansagang ‘super team’ bago magsimula ang naturang season.

Naka-upo ngayong ang ECHO sa tugatog ng standings nang may 3-0 series win-loss record at walong puntos.


Susubukan ng ECHO na ipagpatuloy ang kanilang undefeated series streak kontra Blacklist International sa Linggo, ika-27 ng Pebrero, sa ganap na ika-anim ng gabi.

Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB at MPL Philippines, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Hadji bilang jungler malabo mangyari ngayong MPL PH S9 ayon kay Coach BON CHAN