Sumunod na rin si RSG Philippines gold laner Joshwell Christian “Iy4knu” Manaog sa mga manlalarong naghayag ng kanilang kagustuhan na magpahinga muna sa darating na Mobile Legends: Bang Bang Pro League Philippines (MPL PH) Season 9.

Mismong RSG PH ang nag-anunsyo nito sa isang social media post. Nilinaw naman ng koponan na magbabalik ang 17-year-old pro sa susunod na season.

Credit: RSG Philippines

“Iy4knu has decided to take a break from the competitive scene for one season. He is still part of RSG Philippines but will be inactive. RSG respects this and fully supports his decision. ‘The Kingslayer’ will see you in Season 10.”

(Nagdesisyon si Iy4knu na magpahina mula sa competitve scene nang isang season. Bahagi pa rin siya ng RSG Philippines ngunit inactive muna siya. Nirerespeto at sinusuportahan ng RSG ang kanyang desisyon. Makikita niyo ulit si “The Kingslayer” sa Season 10.)

Bago ang desisyon na ito ni Iy4knu, nauna nang nagsabi sina CJ “Ribo” Ribo ng Bren Esports, Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna at Danerie James “Wise” Del Rosario ng Blacklist International, at Adrian “Toshi” Bacallo na out muna sila sa MPL PH Season 9.


Si Iy4knu sa MPL Philippines

Iy4knu
Credit: Iy4knu

Pumasok si Iy4knu sa MPL Philippines noong Season 4 bilang parte ng Dream High Gaming na kalauna’y naging ONIC Philippines kung saan nakasama niya sina OhMyV33nus, Wise, Gerald “Dlarskie” Trinchera, Allen “Baloyskie” Baloy (kilala rin bilang Greed) at John Michael “Zico” Dizon. Agad silang nagpasiklab sa liga at nakakuha ng runner-up finish sa likod ng Sunsparks.

Naging kinatawan ng Pilipinas sina Iy4knu at ONIC PH sa M1 World Championship bago magtapos ulit bilang runner-up kila Greed at Sunsparks noong Season 5.

Matapos ang 4th place noong Season 6, nakakapanlumong 7th-8th place noong Season 7 at ilang roster changes, pinakawalan ng ONIC si Iy4knu bago magsimula ang Season 8.

Agad naman siyang kinuha ng RSG Philippines sa pagpasok nito sa pinakamalaking liga ng Mobile Legends sa bansa.

Kilala sa kanyang matinik na paggamit ng mga marksman tulad ni Bruno, tinulungan ng beteranong Manilenyo ang rookie team na RSG na makapasok sa MPL playoffs. Sa kasamaang palad, winalis sila ng Nexplay EVOS sa first round at nalaglag sa torneo.

Wala pang anunsyo ang RSG PH kung sino ang ilalagay nila sa iniwang role ni Iy4knu pati na rin ang kanilang kumpletong roster para sa papalapit na MPL season.

Ang roster sa ngayon ng RSG PH

  • Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto
  • Arvie “Aqua” Antonio
  • EJ “Heath” Esperanza
  • Nathanael “Nathzz” Estrologo
  • Kenneth Jianne “Kenji” Villa
  • Dexter “Exort” Martinez
  • Eman “EMANN” Sangco
  • Elyson “GHOST WRECKER” Caranza
  • Brian “Panda” Lim (coach)

Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para manatiling updated sa mga pangyayari sa MPL Philippines.