Nakatakdang magbalik ang Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) sa pagbubukas ng ika-siyam na season nito sa ika-18 ng Pebrero.

Tulad sa nakaraang season, walong koponan pa rin ang magbabakbakan para sa titulo sa pinakamalaking franchise-based Mobile Legends league sa buong bansa.


Blacklist International susubukang masungkit ang makasaysayang three-peat sa MPL PH Season 9

Blacklist International susubukang masungkit ang three-peat sa MPL PH Season 9
Credit: Moonton

Galing sa kanilang matamis na tagumpay sa M3 World Championship, aasamin ng Blacklist International na magmarka ulit ng kasaysayan sa pamamagitan ng pagkamit ng three-peat sa MPL PH Season 9.

Nasungkit ng Blacklist ang back-to-back MPL titles noong Season 7 at 8 kagaya ng nakuha ng Sunsparks noong Season 4 at 5, pero wala pang koponan ang nakakagawa ng tatlong magkakasunod na championship run sa liga.

Magiging malaking balakid sa target na ito ng grupo ng Tier One Entertainment ang ONIC Philippines, na siguradong gutom na makabawi sa kanilang mapait na pagkatalo sa grand finals ng M3 maging sa MPL PH Season 8.

Isa rin sa mga nakikitang mabigat na title contender ang ECHO na tila bumuo ng isang “super team” para sa darating na season matapos nitong kunin sina Karl Gabriel “KarlTzy” Nepomuceno, Tristan “Yawi” Cabrera at Frediemar “3MarTzy” Serafico.

Credit: ECHO

Siyempre, gigil ding maghari sa MPL PH Season 9 ang Smart Omega, Bren Esports, RSG PH, Nexplay EVOS at TNC Pro Team.

Sa ngayon, ECHO pa lang ang nag-anunsyo ng kanilang kumpletong roster para sa darating na MPL PH Season 9. Inaasahang maglalabas na rin ng kani-kanilang lineup ang iba pang koponan sa mga susunod na araw.

Manatiling tutok sa mga balita tungkol sa MPL PH Season 9 maging sa Mobile Legends sa kabuuan na ihahatid sa inyo ng ONE Esports Philippines.