Patuloy sa paghahari ang Blacklist International sa regular season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8.

Muling ipinatunayan ng Blacklist International kung bakit sila ang nangunguna sa liga nang talunin nila ang RSG PH sa Week 5 Day 3 ng MPL PH Season 8 sa score na 2-0.

Isa sa mga may katangi-tanging performance sa match na ito ay ang gold laner ng Blacklist International na si Kiel Calvin “OHEB” Soriano, na tinanghal na MVP sa parehong games.

MLBB MPLPHSeason8 OHEB MVP
Credit: MPL PH

Sa game two, nilabas ni OHEB ang kanyang surprise Kimmy pick na ikinagulat at ikinatuwa ng marami dahil sa husay ng paggamit ng Blacklist International gold laner sa Jetpack Rebel. Bilang nangungunang damage dealer, malaki ang naiambag ni OHEB sa pagakapanalo ng kanyang team sa game na ito kung saan umani sya ng total damage dealt na 89,829.

MLBB MPLPHSeason8 RSGPH BlacklistInternational Game2Standings
Credit: MPL PH

Ito ang ikalawang beses na na-pick ang Kimmy ngayong season, senyales ng pagbabago sa meta matapos ang patch 1.6.18.

Sa post-match interview, ipinaliwanag ng Blacklist international coach na si Kristoffer Ed “BON CHAN” Ricaplaza ang epekto ng bagong patch sa marksman meta. “Mas naging exciting,” sabi ni BON CHAN. “Yung mga hero na hindi nagagamit, yung mga marksman na kinalimutan na ng panahon, nagagamit na ulit.

Ipinaliwanag din nya na hindi partikular na pabor sa kanilang team ang bagong patch dahil marami sa ibang teams ang may kakayanan na gamitin ito ng maayos. “Hindi naman siguro samin pabor [ang bagong patch],” paliwanag ni BON CHAN. “May mga team din na may mga marksman gods, tulad nila Toshi at Iy4knu, mga classic na marksman players. Mate-take advantage din talaga nila yung patch.”

Susunod na makakalaban ng Blacklist International ang Nexplay EVOS sa October 2, 2:00 p.m. GMT+8.

Mapapanood ang mga matches nang live sa opisyal na Facebook channel ng MPL Philippines.