Hindi muna sasalang sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Brazil ang isa sa pinakamatunog na pro players sa eksena na si Victor “Lunna” Monteiro.

Karugtong ito ng anunsyo ni Lunna ng Red Canids sa isang social media post kung saan inihayag niya ang kaniyang pagliban muna sa MPL BR Season 2.

Anunsyo ni Lunna ng Red Canids tungkol sa kaniyang pagliban

Credit: Lunna ML

Inilahad ni Lunna ng Red Canids ang kaniyang anunsyo sa kaniyang Facebook page kasabay ng pagpapasalamat sa mga sumuporta sa kaniya sa kaniyang karera sa MLBB.

“I come to thank everyone who accompanied me during the S1 of Brasil, Liga LATAM, and [M3 World Championship] for all the support,” sulat ng batikang roamer.

Hindi man idinitalye ni Lunna ang kaniyang rason kung bakit liliban muna sa MPL BR Season 2, binanggit naman niya na may “other plans” siya na ibabahagi sa susunod.

“Thank you for everyone’s understanding and let’s go up!” dagdag ng tanyag na tank/support.


Mga nakamit ni Lunna ng Red Canids sa MLBB eksena

Credit: MPL Brazil

Susi ang star roamer para sa kaniyang Red Canids na nagpakitang-gilas sa LATAM region.

Kilala sa kaniyang kakamanghang map control at in-game knowledge, pinangunahan ni Lunna ang kaniyang koponan nakawin ang kampyonato ng MPL BR Season 1 noong nakaraang taon kung saan pinadapa nila ang Keyd Stars sa grand finals. Dito rin nakamit ni Lunna at ng kaniyang Red Canids ang pagkakataong maging kinatawan ng rehiyon sa M3 World Championship.

Sa parehong taon, koponan din niya ang dumomina sa Liga LATAM, ang unang MLBB tournament sa labas ng Southeast Asia. Gaya ng nangyari sa MPL Brazil, pinatumba muli ng Red Canids ang Keyd Stars sa grand finals para isemento ang kanilang pangalan bilang top team sa rehiyon.

Hindi man nagawang ipagpatuloy ang kanilang momentum sa harap ng pinakamagagaling sa mundo sa M3, malaking parte ang ginampanan ni Lunna ng Red Canids para ibaling ng mga miron ang kanilang atensyon sa eksena sa Brazil.

Sundan ang pinakahuling balita tungkol sa MPL sa mundo sa pamamagitan ng pagsunod sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Si OhMyV33nus daw ang Mobile Legends idol ni Lunna ng RED Canids