Bagamat naisarado na ang kaniyang makulay na kabanata kasama ang Bren Esports, hindi pa handang iwan ni Allan “Lusty” Castromayor Jr. ang Mobile Legends eksena. Sa katunayan, minamata ngayon ng beteranong tank/roamer na makalaro para sa isang MPL Philippines team pagdako ng Season 10.

“Maglalaro pa [ako] if makuha ako doon sa pinagta-tryoutan ko na team,” ani ni Lusty sa isang panayam.

Kung papalarin ay ito na ang ika-siyam niyang season sa professional league. Sa kabilang banda, malaki raw ang tiyansang magpapahinga muna siya kung hindi makukuha ng team na pinili niyang huwag pangalanan.

Credit: Bren Esports

“Pero ‘pag hindi ako nakuha, siguro magpapahinga muna ako,” dagdag ng taga-South Cotabato. “Sobrang determinado ako kasi gustong gusto ko bumawi, saka gusto ko ulit patunayan yung sarili ko.”

Ngayong tinatangka niyang bumangon muli mula sa dismayadong performances sa mga nakalipas na MPL seasons, nanatiling kumpidente si Lusty sa kaniyang galaw. “Sa tingin ko oo bumabalik na kasi ngayon palang nararamdaman ko na na medyo bumabalik na. Konting practice na lang at tulong mula sa magiging coach siguro.”


Bumida si Lusty para sa Bren ng 5 seasons

Isa sa pinakamalalakas na roamers ng kaniyang panahon, kumamada si Lusty para sa Bren Esports sa loob ng limang seasons. Susi ang kaniyang play para masungkit ng esports org ang kanilang unang kampeonato noong MPL PH Season 6.

Credit: Lusty

Ngunit hindi lamang sa lokal na MLBB eksena nagpamalas ng husay ang ngayon ay 27-anyos na pro. Tampok din ang roamer sa lineup na nag-uwi ng tropeyo ng M2 World Championship, ang pinakaprestihiyosong premyo sa Mobile Legends eksena.

Kahit pa tapos na ang kaniyang paglalaro sa ilalim ng bandera ng esports org ay nanatiling mapagpasalamat ang beterano sa kaniyang panahon kasama sila.

“Unang una, sobrang saya kasi binigyan nila ako ng chance na bumangon ulit after [ko] malaglag nung Season Four. Saka maraming salamat kasi tinulungan nila ako maging matured sa loob tsaka labas ng laro,” sabi ng pro sa parehong panayam.

Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuling balita sa Mobile Legends.

BASAHIN: Coach Pakba1ts ipinaliwanag kung bakit pinakawalan ng Smart Omega sina OUTPLAYED at Allidap