Hindi naging hadlang ang kapansanan para patuloy na gabayan ni Vrendon “Coach V” Lin ang kaniyang TNC Pro Team ML sa kanilang kampanya sa MPL Philippines Season 9.

Ito ang bukambibig ng mga miyembro ng 2nd seeded team ng regular season ng hinarap nila ang media matapos patumbahin ang mainit na Smart Omega, 3-1, sa Day 2 ng MPL playoffs.


Inspirasyon si Coach V para sa mga miyembro ng TNC

Credit: ONE Esports PH

Sa panayam kasama ang team, ibinahagi ng mga miyembro ng koponan kung paano sila patuloy na ginagabayan ni Coach V kahit pa may karamdaman ang coach.

Ani ng drafter at team analyst na si Jemson “Coach Scholar” Glean Ignacio, inaalay ng TNC ang kanilang performances para sa kaniya. “Siguro po ginagamit po namen si Coach V bilang inspiration since bago pa man mag-start yung regular season, kami-kami na po yung magkakasama. Kaya nung nalaman namin yung naging kalagayan niya, talagang nag-pray po talaga kami tapos yung ginagawa po namen sa practices, para na din po sa kaniya ‘yon.”

Si Ben “Benthings” Maglaque naman, binanggit ang laging paalala ni Coach V sa TNC kaugnay ng pagiging baguhan nila sa MPL gayundin sa playoffs.

“Lagi lang po pinapaalala samen na, ikaw bago ka, kung wala kang experience, magtutulungan tayo. Team po kami na ano [sic]. Kung tingin mo di mo kaya yung isang bagay na ‘to, kami magpupuno ‘non. ‘Yun lang po tulungan lang po talaga.”

Credit: ONE Esports PH

Malalim naman ang hinugot ng TNC midlaner na si Jomarie “Escalera” Delos Santos ng pag-usapan ang kahalagahan ng kaniyang mentor. Inilahad ng rookie ang uri ng pagsasama nila ni Coach V na una na niyang naging coach sa kaniyang stint sa amateur team na Ark Angel.

” Parang pamilya na din turing ko sa kaniya. Tiyaka alam ko na din yung kuwento niya. Alam ko na din na pangarap din niya [Esports] kaya nung nagkasakit siya nalulungkot ako kasi malapit na niya makuha yung pangarap niya tapos doon pa siya nagkasakit,” banggit ni Escalera.

Pagbibiro pa niya, “Saken sobrang importante si Coach V kaya sinasama pa rin po namin siya dito kasi may naitutulong po siya sa amin. Kahit ganoon sitwasyon niya. Kasi utak naman yung gumagana hindi paa!”

Mababalikan na na-diagnose ang TNC coach ng Pott Disease o Tubercolosis of the spine noong Pebrero. Dahil isa itong impeksyon sa spine ay naapektuhan nito ang kakayahan sa pagtayo at paglakad ni Coach V.

Credit: ONE Esports PH

Bagamat malaking dagok ang kaniyang karamdaman, hindi ito napigilan ang kagustuhan ng mentor na makapag-ambag sa kaniyang mga players. Sa parehong panayam, inamin ni Coach V na sinikap niyang gawin ang kaniyang parte para sa team.

“Since hindi naman po ako kasama nung regular season, ang naging preparation ko po para sa team ay yung matulog ng maaga sa hospital para po mabigyan ko po ng magandang advice yung mga players,” banggit niya.

Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuling balita tungkol sa MPL Philippines!

BASAHIN: TNC Pro Team hinimay ang Smart Omega sa MPL PH S9 playoffs