Masyado raw nakumpiyansa ang M3 World Championship runner ups na ONIC Philippines noong Week 1 ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 9 (MPL PH S9). Ito ay ayon sa kanilang gold laner na si Marky “Markyyyy” Capacio na inilahad ang kalagayan ng koponan sa post-match interview pagkatapos paluhurin ang Bren Esports sa Week 2 Day 2 matchup.
Markyyyyy: ‘Kailangan po namin talagang maibalik yung lakas namin noon’

Kinumpirma ni Markyyyyy na nagkaroon nga ng mahigit apat na oras na diskusyon sa pagitan ng mga miyembro ng ONIC PH. Kwento ng gold laner, “Binabalikan lang po namin yung Season 8 at M3. Kasi nakampante po kami noong nakaraan eh kaya binabalikan lang po namin yung ginawa namin dati.”
Isa sa mga paborito ang ONIC PH na magkampyon ngayong MPL season dala ng kanilang magilas na kampanya sa Season 8 gayundin sa M3 kung saan nagtapos sila sa parehong 1st-Runner up finish. Ngayong napilay ang mala-alamat na koponan ng Tier One na bukod-tangin na nagpahirap sa team, maraming nagpapalagay na ito na ang season na makakamit nila ang inaasam na tagumpay.
Subalit, hindi kasing-gilas na performances kumpara sa inaasahan ang ipinakita ng koponan ni Markyyyyy na bagamat pinataob ang kanilang karibal na Blacklist sa unang laro ng season, ay nahulog naman sa bangin kontra Nexplay EVOS sa 2-0 pagkatalo.
Aminado rin ang beterano na iba ang lebel ng kumpetisyon ngayon. Sa tanong kung nasorpresa ba sila sa ipinapakita ng mga teams ngayong season, tugon ng pro “Opo nagulat po talaga kami kasi lahat ng team malalakas po eh. Wala pong tapon ngayong season. Lahat malalakas.”

Pagkatapos patumbahin ang Bren, umaasa si Markyyyyy na sisindihan nito ang kanilang totoong gilas bilang isang unit. “Kailangan po namin talaga maibalik yung lakas namin noon para makasabay sa malalakas ngayon,” aniya.
ONIC PH winalis ang Bren Esports ,2-0
Malinis na trinabaho ng koponan ni Coach Denver “Yeb” Miranda ang Bren Esports na sinagasaan nila sa 2-0 sweep. Hindi nagpatumpik-tumpik ang ONIC PH na inilabas agad ang kargada sa game 1 kung saan madulas na Hayabusa ni Kairi “Kairi” Rayosdelsol ang naghari mula simula hanggang dulo para magtala ng matinding 7/1/3 KDA.

Sa game 2 naman, Beatrix ni Markyyyyy ang pumurnada sa tangka ng M2 World Champions na makatabla. Perpekto ang maniobra ng pro sa marksman na nagpakawala ng sandamukal na physical damage papunta sa malinis na 6/1/7 KDA.
Sundan ang pinakahuling balita tungkol sa MPL sa pamamagitan ng pagsubaybay sa ONE Esports Philippines sa Facebook!
BASAHIN: ONIC PH bininyagan ang bagong roster ng Blacklist International sa MPL PH Season 9 opener