Ang Mobile Legends World Championship o kilala din bilang M series ang pinaka-prestihiyosong Mobile Legends: Bang Bang torneyo sa buong mundo. Tatlong koponan na ang hinirang na mga MLBB World Championship winner simula una itong itinanghal noong 2019.

Patuloy itong gumulong hanggang ngayong 2021 at sa naturang patimpalak, ang mga teams mula Indonesia at Pilipinas pa lamang ang nakakapag-uwi ng world title.

Heto ang mga koponan na nag-iwan ng marka sa pinakamalaking liga sa mundo ng Mobile Legends.

MLBB WORLD CHAMPIONSHIP WINNERCOUNTRYTOURNAMENT
EVOS LegendsIndonesiaM1 World Championship
BREN EsportsPhilippinesM2 World Championship
Blacklist InternationalPhilippinesM3 World Championship

Lahat ng mga MLBB World Championship winner mula M1 hanggang M3

EVOS Legends – M1 World Championship (2019)

Credit: Moonton

Itinanghal ng Moonton ang M1 World Championship sa Kuala Lumpur, Malaysia kung saan labing-anim sa pinakamagagaling na Mobile Legends teams sa mundo ang nagbakbakan sa harap ng live audience.

Ipinakita ng mga koponan galing Indonesia ang kakaiba nilang kargada sa nasabing torneyo kung saan ang magkaribal na EVOS Legends at RRQ Hoshi ang nagtagpo sa grand finals. 

Hindi binigo ng dalawang koponan ang mga miron dahil pasabog ang ipinakita nila sa laban para sa korona, ngunit mas dekalibreng ML ang ipinamalas ng EVOS Legends na kalaunan ay nagpunyagi para hirangin bilang kauna-unahang MLBB World Championship winner at iuwi ang tumataginting na US$250,000 prize money.


Bren Esports – M2 World Championship (January 2021)

Credit: Bren Esports

Dahil sa abalang dulot ng COVID-19 pandemic, napuwersa ang Moonton na gumawa ng mga galaw para maitulak ang ikalawang bersyon ng MLBB World Championship.

Nakapalano sanang gumulong ang M2 noong November 2020 plano na sa Jakarta, Indonesia ngunit dala ng pandemya ay naurong ito noong January 2021 na ginanap sa Singapore.

Bagamat walang live audience, hindi kinulang sa aksyon ang torneyong kinatampukan ng labindalawa sa pinakamalalakas na koponan sa mundo. Sa bakbakang naganap, BREN Esports mula sa Pilipinas ang nanaig matapos patumabahin ang Burmese Ghouls ng Myanmar sa isang kapanapanabik na serye na umabot pa ng 7 games.


Blacklist International – M3 World Championship (December 2021)

Credit: Muhammad Thalhah/ONE Esports

Ang M3 World Championship ay idinaos muli sa Singapore, Disyembre ngayong taon. Sa pagkakataong ito, labing-anim na koponan ang sumabak sa sunugan para paglabanan ang tumataginting na US$800,000, na halos triple ng prize pool sa M2 na US$300,000.

Kung parehong Indonesian teams ang nagtagpo sa M1, pareho namang Pinoy teams ang sumalang sa Grand Finals kung saan pinatunayan ng Blacklist International ang kanilang husay sa harap ng nagbabagang ONIC Philippines na pinadapa nila sa iksor na 4-0.

Sa panalong ito, hinirang bilang ikatlong MLBB World Championship Winner ang Blacklist, sampu ng pagiging back-to-back MPL PH champion.


Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita tungkol sa Mobile Legends at marami pang iba!

BASAHIN: OHEB hinirang na M3 Grand Finals MVP