Bagamat marami ang nagulantang sa panalo ng BloodThirstyKings kontra sa tournament favorite na Blacklist International sa opening match ng M3 World Championship upper bracket playoffs, salungat naman nito ang sentimiento ng jungler at kapitan ng koponan na si Michael “MobaZane” Cosgun.

Hindi umano nasorpresa si MobaZane na naitala ng nag-iisang pambato ng North America ang pinakamalaking upset sa ngayon sa M3 at may mas malaki pa raw silang misyon sa crowning event ng Mobile Legends: Bang Bang ngayon taon.


MobaZane: ‘I’m not surprised that we won’

MobaZane
Credit: Moonton

Sa isang post-match interview kasama ang mga on-site at online media, inamin ni MobaZane na hindi na siya nagtaka na marami ang nagduda sa kanilang tsansang manalo laban sa Blacklist International.

Pero malaki ang tiwala niya sa sipag ng kanyang koponan kaya naman hindi na rin naging sorpresa para sa kanya na pinabagsak nila sa lower bracket ang kampeon ng MPL Philippines.

“I think they’re right to doubt us because we don’t have nearly as many achievements as a team like Blacklist does and they were just proven wrong,” wika ni MobaZane, na naging target ni Blacklist coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza sa drafting phase sa serye.

(Tingin ko tama naman sila na pagdudahan kami dahil wala naman kaming achievements na kasing dami ng sa Blacklist pero napatunayan namin ngayon na mali sila.)

“You know, even though we are not considered as one of the strongest in Mobile Legends, we work really hard and we train ourselves really hard and we’ve basically just been off the map for about two years now so I’m not surprised that a lot of fans really wanted Blacklist to win, but I’m not surprised that we won either,” dagdag pa niya.

(Kahit na ‘di kami itinuturing na isa sa pinakamalakas sa Mobile Legends, nagtatrabaho at nagte-train kami nang matindi at hindi kami kilala sa loob ng halos dalawang taon na ngayon kaya ‘di ako nasorpresa na maraming fans na gustong manalo ang Blacklist pero ‘di rin ako nasorpresa na nanalo kami.)

Credit: Moonton

Sinabi rin ni MobaZane na sa tingin niya ay tila in-underestimate sila ng pambato ng Pilipinas.

“I think we just simply played better than them this whole day. I think we’re more prepared for them. We haven’t been really easy on ourselves at all ever since coming into this tournament and I don’t think they took us seriously as they should have.”

(Tingin ko mas maganda lang talaga ang nilaro namin kaysa sa kanila at mas handa kami. ‘Di kami nagpapakampante simula noong pumasok kami sa torneong ito at sa tingin ko hindi nila kami sineryoso tulad nang dapat na ginawa nila.)


Hindi pa tapos ang misyon ng BTK sa M3

Credit: Moonton

Binigyang-diin din ni MobaZane na hindi pa natatapos ang misyon ng BloodThirstyKings sa M3 sa pagtalo sa Blacklist International.

Aniya, may mas malaki silang hangarin kaya nais nilang magpakitang-gilas pa at kung maaari ay iuwi ang titulo sa North America.

“We’re not done by just beating Blacklist. We want to go for more and hopefully when we do go for more that actually does create an MPL NA in North America ’cause I do think that our whole region will get a lot stronger if we get an official esports scene ’cause all we have is mini-tournaments. And MPL NA will be a great thing to have.”

(‘Di pa kami tapos sa pagtalo lang sa Blacklist. Gusto namin ng mas malaking tagumpay at sana kapag nagawin namin ‘yon ay magkaroon ng MPL NA sa North America dahil sa tingin ko mas lalakas ang aming rehiyon kapag nagkaroon ng opisyal na esports scene. Sa ngayon kasi ay mini-tournaments lang ang meron kami at ang pagkakaroon ng MPL NA ay talaga naman makakabuti para sa’min.)


Sunod na makakaharap nila MobaZane at BloodThirstyKings ang kanilang group stage tormentor na EVOS SG sa isang best-of-five upper bracket semifinal battle na gaganapin sa ika-16 ng Disyembre. Mapapanood ang mga bakbakan sa M3 World Championship playoffs sa Facebook at YouTube channel ng Mobile Legends.

Tutukan ang mga pangyayari sa M3 sa pamamagitan ng pag-like sa ONE Esports Philippines sa Facebook.